Home NATIONWIDE Pagdagsa ng foreign studes tatalupan ng gobyerno

Pagdagsa ng foreign studes tatalupan ng gobyerno

IBINAHAGI ng Bureau of Immigration (BI) na sumang-ayon ang Inter-Agency Committee on Foreign Students (IACFS) na tingnan ang mga implikasyon sa seguridad ng pagbibigay ng student visa sa mga dayuhan sa gitna ng napaulat na pagdagsa ng mga Chinese na estudyante sa lalawigan ng Cagayan.

Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval na ang komite ay walang nakitang anumang pagkakaiba sa proseso ng pagpapalabas ng visa sa kanilang pagpupulong noong Lunes.

“We agreed na tingnan pa din ang security aspect of it. Of course, they could have all the complete documents pero ‘yun ni-raise na national concern, on sleeper cells, that would be under the National Bureau of Investigation (NBI) and National Intelligence Coordinating Agency (NICA) already. But in terms of visa issue, wala naman nakikita na kakaiba,” ani Sandoval.

Ang mga sleeper cell ay mga ahente ng isang dayuhang bansa o organisasyon na naka-standby upang magsagawa ng mga aktibidad sa paglusot at interbensyon sa ibang bansa o lugar.

Giit ni Sandoval, sakaling hilingin nila na makakuha sila ng datos upang magsagawa ng imbestigasyon ay kanila umano itong ibabahagi bilang bahagi umano ng inter-agency effort.

Nilikha sa ilalim ng Executive Order 285 na nilagdaan ni dating pangulong Joseph Estrada, ang IACFS ay pinamumunuan ng Commission on Higher Education (CHED), kasama ang BI, NBI, NICA, Department of Foreign Affairs (DFA), at Department of Education (DepEd) bilang members.

Ayon kay Sandoval, timalakay umano sa naganap na pagpupulong ang papel ng bawat ahensya sa pagproseso ng mga student visa at ang pangangailangan para sa security assessment ng NBI at NICA.

Maging aniya ang pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral na Tsino sa bansa ay tinalakay din sa nabanggit na pagpupulong.

“For Chinese nationals in 2023, more than 16,000 student visas were issued. Ito ay naka-distribute in several areas in the country, karamihan sa kanila, nasa National Capital Region and other areas like Cagayan and meron small number of distributions in all areas in the Philippines,” dagdag pa ni Sandoval.

Aniya, ang mga Chinese na ito ay kabilang sa 24,000 dayuhang estudyante na nabigyan ng student visa, ang natitira ay mga Indian, Nigerian, South Koreans, at Americans, bukod sa iba pa.

Kaugnay nito, sinabi naman ni Sandoval na mayroong dalawang paraan para makakuha ng student visa ang isang dayuhan.

Ang unang opsyon ay i-secure ito sa pinakamalapit na embahada o konsulado ng Pilipinas kung saan kakailanganing magsumite ng mga dokumento ang mga aplikante. habang ang isa pang opsyon ay para sa mga dayuhang may tourist visa na i-convert ito sa student visa na may endorsement ng paaralan kung saan nila balak mag-enroll.

Sinabi ni Sandoval na ang mga paaralang ito ay dapat accredited ng CHED at ng BI. Jay Reyes