Home NATIONWIDE Cutting trippers sa Maynila binalaan!

Cutting trippers sa Maynila binalaan!

NAGBABALA ang pamunuan ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) laban sa mga jeepney at UV Express drivers na patuloy na nagsasagawa ng “cutting trip” na mahaharap sila sa mataas na multa at posibleng pagkakabawi ng kanilang prangkisa.

Ang naturang babala ay sinabi ni MTPB Chief of Operation Wilson Chan Sr. makaraang mahuli ang isang driver ng UV Express na kinilalang si Raymark Borja na may biyaheng SM Fairview to Buendia at vice versa.

Batay sa ulat ng traffic enforcer na si Alvin Felicidario, sinita nila ang nasabing driver ng UV Express dakong alas-7:30 ng gabi noong Mayo 7, 2024 sa kanto ng Taft Ave. at Pedro Gil sa Ermita dahil sa illegal display of signboard dahil imbes na hanggang SM Fairview ang kanyang biyahe ay hanggang Litex lamang umano ito.

Ayon kay Chan, ihahain nila sa kanilang Adjudication board ang nasabing kaso ng UV Express driver upang sila ang magdesisyon kung anong legal na aksyon ang kakaharapin nito gayundin ng kanyang operator.

“Magsitigil na po kayo dahil i-ooperate namin kayo, marami nang complaint ang aming natatanggap laban sa inyo. So winawarningan namin kayo na maaari huwag na po kayo mag cutting-trip. Maiimpound kayo sa cutting trip,” babala ni Chan sa mga jeepney at UV Express drivers.

Nabatid kay Chan na sa oras na mahuli nila ang driver na nagcutting-trip ay pagmumultahin nila ito ng P1,500 habang nasa P2,500 na multa naman sa mga mahuhuling UV Express at dadalhin sa impounding area ang sasakyan na kanilang minamaneho.

“Hindi lahat ng dinadala sa impounding ay impound na, bine-verify po muna natin ang lahat ng kanilang mga papeles,” paliwanag ni Chan.

Bukod aniya dito, dadalhin pa sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang kanilang paglabag upang maberika kung ang isang driver na nahuli ay paulit-ulit nang lumalabag sa nasabing panuntunan. JAY Reyes