MANILA, Philippines – Itinakda ng Sandiganbayan Third Division ang mga pagdinig kaugnay ng preventive suspension at petisyon para sa piyansa ni Sen. Rodante Marcoleta, na nahaharap sa kasong plunder.
Ayon kay Associate Justice Karl Miranda, pansamantalang itinakda ang pagdinig sa preventive suspension sa Agosto 18, habang ang unang pagdinig sa petisyon para sa piyansa ay sa Setyembre 3.
Noong Hulyo 22, inutusan ng korte si Marcoleta na ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat suspendihin bilang senador. Nagsumite siya ng paliwanag noong Agosto 3, ngunit hindi pa nakapaghahain ng komento ang prosekusyon.
Kinasuhan si Marcoleta kasama sina dating Rep. Mike Defensor at mga negosyanteng sina Joseph Espiritu at Aristotle Viray dahil sa umano’y ₱75 milyong campaign donation na natanggap niya habang party-list representative, na ayon sa mga piskal ay hindi naideklara sa kanyang financial at campaign disclosures.
Sa pretrial, parehong nagkasundo ang depensa at prosekusyon sa ilang mahahalagang detalye ng kaso, kabilang ang pag-amin ni Marcoleta na siya ay isang public official noong panahong sinasabing naganap ang umano’y paglabag.
Ayon sa korte, ang pag-amin na ito ay makakatulong upang mapabilis ang pagdinig ng kaso. RNT/MDS