BULACAN, Philippines – Isinailalim sa State of Calamity ang bayan ng Hagonoy sa Bulacan, matapos ang malawakang pagbaha sa 26 na barangay nito, dahil sa malalakas na pag-ulan dala ng habagat at mga nagdaang bagyo, na sinamahan pa ng hightide.
Inaprubahan ng Sangguniang Bayan ang Municipal Resolution No. 2026-198 noong Agosto 13 batay sa rekomendasyon ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) sa pamumuno ni Mayor Ma. Rosario “Charo” Sy-Alvarado Mendoza.
Ayon kay Mayor Mendoza, ang pagdedeklara ng state of calamity ay magpapabilis sa pamamahagi ng relief goods at iba pang tulong para sa mga residenteng naapektuhan ng pagbaha.
Nauna nang namahagi ng food packs ang isang lokal na pagawaan ng tinapay. Nagtayo rin ng Child-Friendly Space para sa mga batang evacuee upang magkaroon sila ng ligtas na lugar para maglaro, magpahinga, at makahanap ng ginhawa sa kabila ng pagbaha.
Nagpasalamat din ang alkalde sa Philippine Red Cross – Bulacan Chapter dahil sa mabilis nitong pagtugon at patuloy na suporta.
Nauna nang isinailalim din sa state of calamity ang kalapit na bayan ng Calumpit, kung saan 29 barangay ang nalubog sa baha. RNT/MDS