MANILA, Philippines- Sumalang sa clarificatory hearing si Gou Hua Ping o Alice Guo para patunayan na siya ay isang Filipino.
Sa pagdinig, kinontra ng Bureau of Immigration (BI) ang depensa ni dating Bamban Tarlac Mayor.
Ayon kay Atty. Gilbert Repizo, pinuno ng Board of Special Inquiry ng BI, maraming mga naipakitang ebidensya ang Special Prosecutor na nagpapatunay na hindi Pilipino si Gou Hua Ping at dinaya lamang nito ang kanyang mga dokumento.
Sinabi ni Repizo na ang fingerprint nina Gou Hua Ping at Alice Guo na hawak ng National Bureau of Investigation (NBI) ay iisang tao lamang.
Ipinakita rin ng Special Prosecutor ang birth certificate ni Guo ay pineke para palabasing siya ay isang Pilipino.
Dahil dito, binigyan ng BI ng 15 araw na palugit ang kampo ni Guo para mapatunayan na kwestiyonable ang findings ng NBI sa kanyang fingerprint.
Sinabi rin ni Repizo na iminungkahi nito na magsagawa ng panibagong finger print sa harap ng presensya ng bawat partido, ang NBI, BI at ni Guo upang mapatunayan ang kanyang fingerprint.
Sa panig ng depensa, sinabi ni Atty. Stephen David na kasama sa kanilang kukuwestiyunin na ilantad ng NBI at BI si Gou Hua Ping na sinasabing tunay na pangalan o pagkatao ni Alice Guo. Jocelyn Tabangcura-Domenden