Home NATIONWIDE Paghahanap sa mga nawawalang pasahero ng MBCA Amejara umabot na sa dagat...

Paghahanap sa mga nawawalang pasahero ng MBCA Amejara umabot na sa dagat ng Indonesia

246
0
Photo by Naval Forces Eastern Mindanao

MANILA, Philippines – Pinalawig na ng Philippine Navy sa dagat ng Indonesia ang kanilang search, rescue, and retrieval (SRR) operations para sa siyam na nawawalang pasahero ng lumubog na MBCA Amejara.

Ito ay matapos makakuha ang Pilipinas ng approval mula sa Indonesian government na palawakin ang paghahanap ng Naval Forces Eastern Mindanao (NFEM), operating unit ng Philippine Navy.

Nitong Biyernes, Enero 30 ay nagpadala ang NFEM ng Beechcraft King Air C90 (NV392) para magsagawa ng visual search operations sa common maritime border ng Pilipinas at Indonesia.

Samantala, patuloy naman ang surface patrols at visual searches ng BRP Artemio Ricarte (PS37) sa territorial waters ng Sarangani, at umabot sa 118 nautical miles timog-kanluran ng Palimban Point, Palimbang, Sultan Kudarat, at Philippines-Indonesia International Maritime Boundary Line (IMBL).

Ayon sa NFEM, patuloy ang suporta ng BRP Artemio Ricarte sa paghahanap kasabay ng pananatili ng maritime security sa area of responsibility nito sa kabila ng pagsubok sa panahon at kondisyon sa dagat.

Isinasagawa ang NFEM operation sa koordinasyon sa Eastern Mindanao Command (EMC), Office of Civil Defense Region XI (OCD XI), Philippine Coast Guard (PCG), Philippine Air Force (PAF), at Indonesian counterparts.

“This interagency and international collaboration is intended to maximize search coverage and enhance operational effectiveness, particularly in areas beyond the international maritime boundary,” saad sa pahayag ng NFEM.

Limang bangkay na pinaniniwalaang mula sa lumubog na barko ang dumating na sa funeral home sa Davao City matapos marekober sa dagat sa baybayin ng Sarangani, Davao Occidental.

Apat sa mga bangkay ay dinala sa Port of Mabila sa Balut Island sa Sarangani, Davao Occidental bandang alas-10 ng gabi ng Enero 24, habang ang limang bangkay ay dumating sa kasunod na araw.

Matatandaan na lumubog ang recreational dive boat na MBCA Amejara sakay ang 15 pasahero habang nasa Davao Gulf noong Enero 19. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here