MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mahigpit na implementsayon ng Anti-Epal policy sa buong bansa kasabay ng pag-aatas sa lahat ng local government units (LGUs) at DILG offices na agarang alisin ang lahat ng pangalan, at larawan ng mga opisyal ng pamahalaan mula sa lahat ng government-funded projects, programs, activities, at properties.
Sa Memorandum Circular No. 2026-006, inaatasan ng DILG ang lahat ng provincial, city, municipal, at barangay officials, maging ang DILG central, regional, at field offices kasama ang attached agencies, na siguruhing walang pangalan, larawan, logo, inisyal, color motif, slogan o identifying symbol ang makikita sa mga signages, markers, tarpaulins, o kaparehong materyal na pinondohan ng publiko.
Iginiit ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na ang proyekto ng pamahalaan ay dapat na hindi magamit sa personal promotion lalo’t ito ay pinopondohan ng buwis ng taumbayan.
Tinukoy sa circular ang mga probisyon ng 1987 Constitution, Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at Commission on Audit rules, na itinuturing ang personalized displays bilang unnecessary expenses.
Ito rin ay pinalalakas ng 2026 General Appropriations Act, na nagbabawal sa paglalagay ng larawan at pangalan ng mga opisyal sa government-funded projects.
Inatasan ang lahat ng mga opisyal at empleyado na agarang alisin o ayusin ang non-compliant materials.
Pananagutin ang mga pinuno ng mga opisina sa mga lalabag dito. RNT/JGC