MANILA, Philippines – Hindi napag-uusapan sa Malakanyang ang mga isinusulong na pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Ayon sa Malakanyang, pagtugon sa mga isyu sa ekonomiya ang tinututukan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa ngayon.
“Hindi pa po iyan napag-uusapan sa ngayon,” sinabi ni President Communications Undersecretary and Palace Press Officer Atty. Claire Castro.
“Naka-focus po kasi ang Pangulo sa pag-angat sa ekonomiya ng bansa at hindi po iyan napag-usapan sa huling meeting ng Pangulo with his Economic team nito lang Biyernes, January 30, 2026,” dagdag ni Castro.
Ito ay kasunod ng pahayag ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na susuportahan niya ang planong amyendahan ang 1987 Constitution kung magkakaroon man, kasunod ng ruling ng Korte Suprema na ideklara ang Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte bilang unconstitutional.
Ani Sotto, magpupulong sa mga susunod na linggo ang liderato ng Kamara at Senado para pag-usapan ang naturang isyu at iginiit na ito lamang ang nakikitang solusyon.
“Ngunit kung may nagawa na silang hakbang patungkol dito, ito naman ay aaralin ng Pangulo,” ani Castro.
Inanunsyo ng Korte Suprema nitong Huwebes na ang high tribunal “denied with finality,” sa unanimous vote, sa motion for reconsideration na inihain ng Kamara na nananawagang baliktarin ang desisyon sa pagdeklara ng Articles of Impeachment laban kay Duterte bilang unconstitutional. RNT/JGC