MANILA, Philippines – PINALAGAN ang Malakanyang ang ginawang paghahambing ni Vice-President Sara Duterte sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte kay dating Senador Benigno ” Ninoy” Aquino.
Napaulat kasi na bahagi ng naging talumpati ni Vice-President Sara Duterte sa meet-and-greet event na inorganisa ng Duterte supporters sa Het Malieveld The Hague, Netherlands ay ang naging tugon nito sa kanyang ama nang tanungin siya kung maiuuwi pa siya ng Pilipinas.
“Magiging Ninoy Aquino Jr. ka…” ang babala ni VP Sara sa kanyang ama na si dating Pangulong Duterte sabay sabing maaaring magaya ito kay dating Senador Ninoy Aquino kung pipilitin pa rin nitong umuwi sa Pilipinas
Ani Castro, mismong ang dating Pangulo ang nagkumpara sa kanyang sarili kay Hitler noong kasagsagan ng kanyang kampanya sa illegal na droga.
”Inihahalintulad ba ni VP Sara ang kaniyang ama sa yumaong Ninoy Aquino? Parang hindi po natin nadinig noon na inihalintulad ni dating Pangulong Duterte ang sarili niya kay Ninoy kung hindi kay Hitler,” ani Castro.
“Mayroon po siyang sinabi mismo, sinabi pa niya dito and I quote, ‘Hitler massacred three million. Now there is three million, what is it? Three million drug addicts in the Philippines – there are. I’d be happy to slaughter them. At least if Germany had Hitler, the Philippines would have me,”’ dagdag pa ni Castro.
Nauna rito inihayag ni VP Sara sa kanyang talumpati sa mga nagtipon-tipong supporters ng dating Pangulo sa The Hague ang kagustuhan ng kanyang ama na umuwi sa Pilipinas subalit nangangamba aniya ito na baka maging katapusan niya ito tulad ng nangyari kay Ninoy Aquino na pinatay pagdating sa paliparan.
Napaulat na sinabi ni dating Pangulong Duterte na handa siyang mag-ala Hitler kaugnay sa laban ng pamahalan kontra iliggal na droga. Kris Jose