Home NATIONWIDE Pagiging alkalde ng Makati, target ni Nancy

Pagiging alkalde ng Makati, target ni Nancy

MANILA, Philippines – Pormal nang idineklara ni Senador Nancy Binay ang posibleng kandidatura bilang alkalde ng Makati City dahil matatapos ang kanyang termino bilang senador sa 2025.

Nakatakda sa Saligang Batas na dalawang beses lamang na magkakakasunod ang termino ng isang senador at kailangan silang magpalipas ng tatlong taon bago muling sumabak sa Mataas na Kapulungan.

Sa panayam, sinabi ni Binay na walang ibang direksiyon ang kanyang political path kundi ang mayoralty bet ng Makati City na kilalang balwarte ng pamilya nito.

Unang nakapuwesto ang kanyang ama, si dating Vice President Jejomar Binay bilang officer-in-charge ng Makati nang maupo si yumaong Pangulong Corazon “Cory” Aquino matapos mapatalsik ang diktadurya ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr. dulot ng 1986 People Power Revolution.

Nakailang termino ang matandang Binay bilang alkalde ng lungsod na sinundan ng kanyang kabiyak, si Dr. Elenito Binay, Jun Jun Binay at ngayon, Abigail Binay. Nakatakdang pumalaot naman si Abigail bilang senador sa 2025.

“Malamang (sa malamang) na pagiging alkalde ng lungsod ng Makati ang susuungin natin pagkatapos ng aking termimo sa 2025,” ayon kay Nancy.

Kahit hindi na siguradong tatakbo bilang senador si Abigail, tiniyak naman ni Nancy na kanyang susuportahan ang pagtakbo ng kapatid sa 2025 at personal nya itong ikakampanya sakaling magdesisyon na.

Aniya, bentahe ni Mayor Abby ang pagiging abugado sa pagtakbo bilang senador. Ernie Reyes