MANILA, Philippines – Ayon sa isang mental health expert, tumataas ang antas ng anxiety o pagkabalisa ng mga Pilipino dahil sa patuloy na epekto ng problemang pang-ekonomiya at mga stress sa kapaligiran ng mga kabahayan.
Binigyang-diin ni Philippine Psychiatric Association President Dr. Joan Mae Perez-Rifareal na normal lamang ang makaramdam ng takot at pangamba sa kasalukuyang sitwasyon.
“It’s a normal reaction to something na abnormal. Ang situation ngayon kasi ‘yung abnormal, but ang reactions natin are very valid… hindi arte-arte lamang kung tayo ay nakakaranas ng anxiety, pangamba, takot,” ani Perez-Rifareal.
Gayunman, pinayuhan niya ang publiko na ituon ang pansin sa mga bagay na kaya nilang kontrolin.
“Siguro focus tayo sa kung ano ang mga things within our control. Kung kinakailangan talaga, magtitipid. Kung kinakailangan, mag-shift muna sa walking o bisikleta. It calls for creativity on how to go about this difficult situation,” dagdag niya.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtutulungan sa loob ng pamilya sa pagharap sa stress at mga responsibilidad sa bahay.
“Teamwork sa family, mag-designate kung sino-sino ang pwedeng mga mag-takeover, household chores kung kinakailangan,” aniya.
Ayon pa sa kanya, mahalaga ang tamang pahinga at self-care upang makapagdesisyon nang maayos sa gitna ng stress.
“Self-care, self-love, unahin natin yun. Number one, kaya sometimes hirap tayo to makapag-focus, makapag-decide, come up with the right decision kasi kulang sa tulog,” paliwanag niya.
Dagdag niya, mahalaga rin ang pagkakaroon ng support system sa bahay, trabaho, at komunidad.
“Know na meron at meron laging handang tumulong sa atin. And never lose hope,” ani Perez-Rifareal.
Paalala rin ng mga awtoridad, ang paghingi ng tulong ay tanda ng lakas, lalo na sa panahon ng mahihirap na pinagdadaanan.
Nagbigay din ng mga hotline numbers ang DOH at iba pang organisasyon para sa mga nakararanas ng depresyon at krisis sa mental health. RNT/MND