MANILA, Philippines- Mabuti ang pagkakaisa at pagkakasundo ng mga pinuno ng bansa, ngunit dapat itong nakatuon sa kabutihang panlahat.
Ayon ito kay Fr. Jerome Secillano, executive director ng CBCP-Episcopal Commission on Public Affairs, malugod na tinatanggap ng simbahan ang pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bukas siyang makipagkasundo sa pamilya Duterte—sa kabila ng tumitinding tensyon sa pagitan ng dalawang kampo.
“Unity and reconciliation are always good for our country,” ayon sa pahayag ni Fr. Secillano.
Giit ng pari, kung handa ang Pangulo na makipagkasundo, dapat itong isaalang-alang din ng kampo ng mga Duterte para sa kapakanan ng buong bansa at ng mga Pilipino.
“The desire, though, should be motivated by the common good. If the President is offering them to the Duterte’s, the latter’s camp should consider it if only for the good and benefit of our country and the Filipinos,” dagdag pa ng pari.
Matatandaang nagsimula ang hidwaan ng dalawang pinakamataas na pinuno ng bansa noong Enero 2024.
Si VP Sara Duterte ay inaasahang haharap sa impeachment trial sa Senado sa akusasyong may kinalaman sa sinasabing paglabag sa Saligang Batas at iba pang mga alegasyon ng katiwalian at pang-aabuso sa kapangyarihan.
Makailang-ulit na namang itinanggi ng Pangulong Marcos na sinusuportahan niya ang impeachment laban sa dating kaalyado sa politika.
Sa katatapos lamang na 2025 national and local elections, karamihan sa mga kaalyado ni Marcos ay nanalo habang ilang kaalyado ng mga Duterte ang hindi nagtagumpay.
Sa kabila nito, nagpahayag si Pangulong Marcos ng kahandaang makipag-usap at makipag-ayos para sa ikabubuti ng bansa. Jocelyn Tabangcura-Domenden