Home NATIONWIDE Pagkalat sa merkado ng Golden Rice at Bt Eggplant ipinatitigil ng CA

Pagkalat sa merkado ng Golden Rice at Bt Eggplant ipinatitigil ng CA

MANILA, Philippines – Inatasan ng Court of Appeals (CA) ang Philippine Rice Research Institute (PRRI) at University of the Philippines Los Baños (UPLB) na itigil ang pagpapalaganap,field testing at iba pang aktibidad na may kaugnayan sa Golden Rice at Bt Eggplant.

Ipinagkaloob ng CA ang hiling na Writ of Kalikasan ng Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad Agrikultura (Masipag), Greenpeace Southeast Asia – Philippines at iba pang petitioners. Binawi rin ng appellate court ang biosafety permits para sa commercial propagation ng Golden Rice at Bt Eggplant.

Nakasaad sa 143 pahinang desisyun ng CA ang karapatan sa balanse at ligtas na kapaligiran. Ipinaalala ng CA SA gobyerno ang mahalagang tumgkulin nito na protektahan ang naturang karapatan na nakapaloob sa saligang batas.

Batay sa desisyun, kulang pa sa “full scientific certainty” ang epekto ng Bt Eggplant at Golden Rice kung kaya nararapat na makagawa ng hakbang upang maiwasan ang banta nito sa kapaligiran.

Iniutos ng CA sa Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Department of Health (DOH) at Bureau of Plant Industry (BPI) na paigtingin ang mga risk assessment procedures ay bumuo ng mga mekanismo para imonitor ang mga gawain kaugnay sa genetically modified organisms (GMOs).

Mananatili ang kautusan ng CA na tigil muna ang mga field testing, pagamit bilang pagkain at feed, processing, commercial propagation, at importation ng GMOs hanggat hindi natutugunan ng gobyerno ang mga usapin kaugnay sa GMOs.

Inaprubahan rin ng CA ang Writ of Continuing Mandamus kung saan kailsngan isumite ng mga kaukulang ahensya ng pamahalaan ang risk assessment procedures. Teresa Tavares