Home NATIONWIDE Partylist na laging talo sa eleksyon liligwakin na

Partylist na laging talo sa eleksyon liligwakin na

MANILA, Philippines – Sinabi ng Commission on Elections (Comelec) na ikinokonsidera nitong hadlangan ang mga party-list group na nabigong manalo sa nakaraang dalawang botohan sa paglahok sa 2025 national at local elections.

Sa public briefing, sinabi ni Comelec spokesperson John Rex Laudiangco na bahagi ito ng pagtatasa ng poll body sa mga aplikasyon para sa akreditasyon ng mga party-list group para sa susunod na halalan.

“Doon sa mga existing na party-list na nakasali na sa mga nakaraang halalan, ay maglalabas po ang Comelec ng resolusyon kung saan ‘yun pong mga sumali at dalawang beses pong hindi nanalo at hindi nakapag-paupo sa Kongreso ay maaari pong matanggal na sa listahan, ayon din sa Party-list Act,” saad ni Laudiangco.

Itinakda ng komisyon ang deadline para sa paghahain ng Manifestation of Intent to Participate ng registered at existing party-list groups, gayundin ang Petition for Registration ng political parties at party-lists, para sa 2025 polls sa December 29, 2023.

Sinabi ni Laudiangco na ang pagpaparehistro ay ginawa para sa Comelec upang matukoy kung ang mga party-list group na naghahangad na tumakbo sa 2025 elections ay tunay na kinatawan ng mga sektor na sinasabi nilang kakatawanin.

“At higit sa lahat, nako-comply ba nila ‘yung requirements ng Party-list Act pati na rin po ‘yung mga sunod-sunod na desisyon ng Korte Suprema,” sabi pa ni Laudiangco. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)