MANILA, Philippines – Sinimulan nang busisiin ng Bureau of Immigration (BI) ang mga rekord ng pagkamamamayan ni Johnson Cai Chen, na kilala rin bilang Johnson Chua Sy, kasunod ng mga pagbubunyag ni Senator Risa Hontiveros sa kanyang privilege speech sa Senado.
Ayon sa BI, ibinunyag ni Senator Hontiveros na si Johnson Sy, anak ng negosyanteng si Chen Zhong Zhen, ay may hawak na dalawang aktibong pasaporte — isang Chinese at isang Filipino — pati na rin dalawang magkahiwalay na birth certificate na may magkasalungat na detalye. Nagbabala ang senadora na ang mga iregularidad na ito ay maaaring indikasyon ng mapanlinlang na pagkamamamayan na nagdudulot ng panganib sa pambansang seguridad.
“Dual identities are red flags. If proven fraudulent, they will be dealt with swiftly and firmly under our laws. Our duty is clear: to protect the integrity of Philippine citizenship and our national security,” pahayag ni BI Commissioner Joel Anthony Viado.
Ayon pa sa ahensya, tinitingnan din nila ang dokumentasyon ng iba pang indibidwal na konektado kay Sy.
Matatandaang inaresto ng mga tauhan ng BI si Chen Zhong Zhen noong Agosto sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 dahil sa umano’y maling representasyon ng kanyang Filipino citizenship.
Napag-alamang tumutugma ang kanyang mga fingerprint sa isang Chinese national, dahilan upang siya ay maikulong sa BI facility sa Bicutan, Taguig. Jay Reyes