Home NATIONWIDE Pagkamatay ng OFW sa Saudi pinaiimbestigahan sa Senado

Pagkamatay ng OFW sa Saudi pinaiimbestigahan sa Senado

MANILA, Philippines –  Pinaiimbestigahan ni Senador Risa Hontiveros sa Senado na imbestigahan ang pagkamatay ng 32-anyos na overseas Filipino worker (OFW) na si Marjorette Garcia sa Saudi Arabia.

Base sa ulat, natagpuang patay si Garcia na may mga saksak.

Sa pamamagitan ng panukalang Senate Resolution 817, hiniling ni Hontiveros sa naaangkop na komite ng Senado na maglunsad ng imbestigasyon para makatulong sa pagbibigay ng mas matibay na mekanismo para protektahan at pangalagaan ang mga Filipina migrant workers.

“An inquiry must be conducted to bring justice to Garcia’s family, with the objective of ensuring that women migrant workers, who are often subjected to extensive violence, are protected and safeguarded,” ani Hontiveros.

Iniulat ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) noong 2021 na 75% ng 23,986 na kaso ng pang-aabuso ay kinabibilangan ng mga babaeng migranteng manggagawa.

Huling nakausap ni Marjorette ang kanyang pamilya noong Setyembre 15, 2023.

Nakipag-ugnayan na ang pamilya sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), na nagsabing nakikipagtulungan sila sa iba pang ahensya para tumulong sa imbestigasyon at maiuwi ang bangkay ng biktima. RNT