Home NATIONWIDE Pagkapanalo sa 7 kaso ng money laundering ibinida ng DOJ

Pagkapanalo sa 7 kaso ng money laundering ibinida ng DOJ

MANILA, Philippines- Ipinagmalaki ng Department of Justice na pitong kaso na may kaugnayan sa money laundering ang nahatulang guilty sa korte.

Naitala ito ng DOJ mula taong 2021 hanggang 2024 sa patuloy na kampanya ng pamahalaan para labanan ang  money laundering at terrorism financing.

Sinabi ni DOJ Deputy State Prosecutor Deana Perez na kabilang sa mahalagang nakamit ng kagawaran ay ng mahatulan ang negosyanteng si Janet Lim Napoles kaugnay sa anti-money laundering case.

“Na-convict na po si Napoles for money laundering in relation to her plunder case,” ani Perez.

Hinatulan na guilty ng Manila Regional Trial Court Branch 24 si Napoles dahil sa kasong Anti-Money Laundering Act of 2001, as amended by Republic Act No. 10365.

Hinatulan ito na makulong ng hanggang 14 taon at pinagmulta ng
P16 million.

Ang iba na na nahatulan dahil sa money laundering ay ang may kaugnayan sa Bangladesh Bank robbery at pagsentensya sa mga drug dealers.

Sa kabuuan, binigyan-diin ng DOJ na matagumpay na napanalo nito ang pitong kaso ng money laundering.

“More are coming because [last year] dumami na ang kaso ng money laundering… about 180 [cases]… Hopefully mapaparami pa natin so that in the next round of evaluation of FATF hindi na tayo magkakaroon ng concern,” dagdag ni Perez.

Nitong Pebrero ay tinanggal sa grey list ng Financial Action Task Force (FATF) ang Pilipinas mula sa mga bansang maraming kaso ng money laundering at terrorism financing.

Sinabi ni Perez na malaking bahagi din ng pagkakatanggal ng Pilipinas sa grey list ay ang desisyon ng pamahalaan na ipagbawal na ang Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs). Teresa Tavares