Home NATIONWIDE Pagkilala ng World Bank sa Pilipinas bilang upper-middle-income country, ikinatuwa ni PBBM

Pagkilala ng World Bank sa Pilipinas bilang upper-middle-income country, ikinatuwa ni PBBM

1
0

MANILA, Philippines – Ikinatuwa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagkilala ng World Bank sa Pilipinas bilang isang upper-middle-income country (UMIC).

Ayon sa Pangulo, patunay ito na naging epektibo ang mga programang pang-ekonomiya ng pamahalaan sa nakalipas na apat na taon.

Una nang inihayag ng World Bank na umabot sa USD 4,850 ang gross national income (GNI) per capita ng Pilipinas, na mas mataas sa kinakailangang USD 4,636 para mapasama sa mga upper-middle-income country.

Ayon kay Pangulong Marcos, matapos ang halos apat na dekada bilang lower-middle-income country, ipinapakita ng bagong katayuang ito ng Pilipinas na lumalakas ang ekonomiya ng bansa sa kabila ng mga hamon sa buong mundo.

Dahil dito, kumpyansa ang Pangulo na mas tataas ang tiwala ng mga mamumuhunan sa Pilipinas, na magdadala ng mas maraming negosyo, trabaho, at oportunidad para sa mga Pilipino.

Sa harap nito, binigyang-diinĀ  ng Pangulo na ang pag-unlad ng ekonomiya ay dapat maramdaman ng bawat pamilya sa pamamagitan ng mas magandang kabuhayan at mas maraming pagkakataon sa buhay.

Nangako rin siya na ipagpapatuloy ng pamahalaan ang pagtatrabaho hanggang maranasan ng lahat ng Pilipino ang mga benepisyo ng pag-unlad ng bansa.

Ayon naman sa Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev), nakamit ng Pilipinas ang bagong antas dahil sa tuloy-tuloy na paglago ng ekonomiya, maayos na pamamahala, at pangmatagalang reporma.

Inaasahan din ng DEPDev na mas lalakas ang tiwala ng mga mamumuhunan, dadami ang dekalidad na pamumuhunan, at lilikha ito ng mas maraming magagandang trabaho.

Kinilala rin ng ahensya ang malaking ambag ng mga overseas Filipino workers (OFWs) sa ekonomiya ng bansa.

Gayunman, sinabi ng DEPDev na nananatili ang ilang hamon, kaya patuloy na sisikapin ng pamahalaan na matiyak na ang pag-unlad ay maramdaman at mapakinabangan ng lahat ng Pilipino. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here