MANILA, Philippines – Sinabi ni Education Secretary Sonny Angara na hindi pa madaling maipatupad ang online learning para sa karamihan ng mga estudyante, sa kabila ng pangamba ng ilang magulang tungkol sa kaligtasan sa mga paaralan.
Ayon kay Angara, may ilang paaralan na nag-aalok ng online classes, ngunit hindi ito malawakang available. Aniya, malaking hamon pa rin ang mahinang internet connection at kakulangan ng kakayahan ng maraming pamilya na suportahan ang online learning.
Sa halip, nakatuon ang Department of Education (DepEd) sa pagpapalakas ng seguridad sa mga paaralan. Kabilang sa mga hakbang ang dagdag na presensya ng pulis, pagkuha ng mas maraming security guard, paglalagay ng metal detectors, CCTV cameras, at iba pang safety protocols.
Ginawa ni Angara ang pahayag matapos ang mga kamakailang insidente ng karahasan at banta sa mga paaralan, kabilang ang pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban at mga pekeng ulat na nagdulot ng takot sa mga paaralan sa Quezon City at Cebu City. RNT/MDS