MANILA, Philippines – Hinikayat ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan ang bagong graduates na gamitin ang karunungan at kakayahan na magsilbi sa Filipino at maging aktibong bahagi ng pambansang pagbabangon kabilang ang pagsugpo sa disinformation at fake news.
Sa kanyang speech sa National University-Baliwag’s commencement exercises, binati ng senador ang lahat ng nagsipagtapos sa kanilang mahalagang yugto ng buhay na nakamit ang degree pero hinamon din niya na magbahagi ng makabuluhan sa lipunan.
“Sa inyong mga magiging inhinyero, negosyante, developer, counselor, lingkod-bayan: alalahanin ninyo na ang tunay na lakas ng inyong henerasyon ay nasa pagkakaisa,” aniya.
“Kaya magtulungan. Gamitin ang inyong mga plataporma para sa pagpapalaganap ng mga kuwento ng katapangan, ng kabutihan, at ng katapatan. Kapag may nakitang inhustisya, magsalita. At kapag may nakitang sinasaktan, huwag lang maawa, kumilos,” dagdag ng senador..
Hinikayat din ng mambabatas ang graduates na gamitin ang kanilang edukasyon sa pagtugon ng pambansang isyu at banta ng disinformation sa mabilis na pag-unlad ng mundo.
Gamit ang graduation theme, na “Sidlak: Shining Beyond Limits,” kinilala ng mambabatas ang papel ng kabataan sa paghubog ng ating kultura, pagtugon sa social issues at paggamit ng inobasyon sa negosyo, teknolohiya, edukasyon, sining at pamahalaan.
Aniya, isa siyang buhay na saki kung ano ang magagawa ng kabataan matapos pumangatlo sa Baliwag sa 2025 senatorial elections
“Paalala ito na kapag nagkakaisa at malinaw ang layunin, kaya ninyo — kaya natin — maapektuhan ang pambansang pagbabago at sa pambansang pamumuno,” aniya.
“I challenge you, dear graduates, that you shine brightest in this present darkness. At panatag ang loob ko na kahit na gaano kadilim ang gabi, darating din ang bukang liwayway. Darating din ang umaga. Walang bibitiw,” giit ng senador. Ernie Reyes