MANILA, Philippines – SINABI ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na walang naibibigay sa kanya na anumang mensahe si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., patungkol sa sinasabing pag-uusap sa pagitan nina Pangulong Marcos, dating House Speaker Martin Romualdez at ACT Teachers Rep. Antonio Tinio.
Tugon ito ni Castro sa napaulat na kinompronta umano noon ni Pangulong Marcos si Romualdez kaugnay ng korapsyon sa mga proyekto ng gobyerno, ayon kay Navotas City Rep. Toby Tiangco.
“Pero noon pa man ay alam na natin na ang Pangulo ay tutol sa korapsyon kaya nga po nagsimula ang pagi-imbestiga dahil naramdaman niya at nakikita niya kung paano ba inabuso ang pondo ng bayan,” ang sinabi ni Castro.
At nang sundutan naman ng tanong kung categorically ay itinatanggi ni Castro na nagkaroon ng nasabing pag-uusap, ang sagot ni Castro ay “wala naman po kasing binabanggit sa atin ang Pangulo patungkol diyan.”
Sa ulat, isinapubliko at idinetalye ni Tiangco ang naging pag-uusap nila noon ni Pangulong Marcos Jr. kasama si Speaker Ferdinand Martin Romualdez kaugnay ng korapsyon sa mga proyekto ng gobyerno.
“Okay, sasabihin ko na. Ang sabi ni Presidente Marcos, ‘yung sinasabi ko na hindi ko masabi na masasakit na salita, bago niya sinabi ‘yung “Kayo ni Zaldy kinukuha niyo ‘yung budget”. Pag-upong pag-upo, ang bungad talaga ng Presidente kay Martin is “Martin, kayo ni Zaldy, ilan bang bahay sa Forbes ang gusto niyong bilhin? Ilan bang eroplano ang kailangan niyo? Ilan bang Ferrari ang gusto niyo? Gaano karaming pera ba ang gusto niyo? Gaano karaming caviar ba ang kaya niyong kainin?” ‘Yun ‘yung bungad. ‘Yun ‘yung opening statement ng Pangulo noong November 24 [2024]. Tsaka pa lang niya sinabi na “Sobra na kayo, lahat ng pera kinukuha niyo”,” kuwento ni Tiangco.
“‘Yan ‘yung statement niya. ‘Yan ‘yung unang-unang sinabi niya na hindi ko dini-disclose kasi sabi ko, napakasakit na mga salita ‘di ba? Ibig sabihin, ang unang isip ko, uulitin ko, papagalitan mo pala ‘to bakit sinama mo pa ‘ko dito?” dagdag pa ng mambabatas.
Nagbigay din ng indikasyon si Tiangco na maaaring ginagamit lamang ni Romualdez ang pangalan ng Pangulo sa mga utos nito.
“Ang daming instances na, kahit dito sa Congress, kaya minsan nagtatalo kami kasi sinasabi niya, ‘pag nag-utos siya “Hindi ko naman ‘to gagawin kung walang utos sa taas eh”. Kaya hindi kami nagkakasundo sometimes in the past,” sabi ng solon.
Ayon pa kay Tiangco, ang bahay sa Tamarind, Forbes Park ay nachi-chismis na pagmamay-ari ni Romualdez.
“‘Yung Tamarind… ang tsismis tsismis doon ng mga Marites doon sa Forbes, kay Martin Romualdez din ‘yung bahay na ‘yun,” dagdag pa ni Tiangco. Kris Jose