MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na bumaba ang’ hunger incidence at poverty self-rating sa hanay ng mga Pinoy sa tulong ng social protection programs ng administrasyon partikular na ang Walang Gutom Program na pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kaya nga ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na welcome sa gobyerno ang pinakabagong Social Weather Stations (SWS) survey na nagpapakita ng pagbaba ng involuntary hunger sa buong bansa, nakaayon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na iprayoridad ang kapakanan ng pinaka-vulnerable sectors.
“Ang hunger incidence sa bansa ay bumaba sa tulong ng Walang Gutom Program ng Pangulo at ng DSWD,” ani Castro.
Ang Fourth Quarter 2025 survey, isinagawa mula Nov. 24 hanggang 30 na mayroong 1,200 adult respondents, natuklasan na may 20.1% ang nagsabi na nakaranas sila ng involuntary hunger. Ito ay mas mababa sa 1.9 puntos mula sa 22% noong Setyembre 2025.
Ani Castro, ang resulta ay sumasalamin sa lumalagong epekto ng government interventions na naglalayong tugunan ang food insecurity.
“Ibig sabihin lang nito ay ramdam na ang mabuting epekto ng social protection programs ng pamahalaan,” aniya pa rin.
Sa kabilang dako, sinabi pa ni Castro na inatasan ni Pangulong Marcos ang DSWD na mas palakasin pa ang Walang Gutom Program, na may planong palawigin ang saklaw nito sa 300,000 beneficiaries sa 2026 bilang bahagi ng commitment ng administrasyon na puksain ang kagutuman.
Maliban sa hunger incidence, sinabi pa ni Castro na ang poverty at food poverty self-ratings ay bumaba rin, tinukoy naman ang pinakabagong survey ng OCTA Research.
Ayon sa OCTA, ang percentage o porsyento ng mga pinoy na kinokonsidera ang kanilang mga sarili na mahirap ay bumaba sa 37%, isang makabuluhang pagbaba mula 54% na naitala noong September ng nakaraang taon. Sinabi pa ng research group na ito ang pinakamalaking pagbaba sa self-rated poverty sa loob ng three-month period.
Bumaba rin ang food poverty self-ratings sa 30% mula sa nakaraang antas na 40 hanggang 49%.
Samantala, sinabi ni Castro na ipagpapatuloy naman ng gobyerno ang pagsusulong ng mga programa na naglalayong pagaanin o bawasan ang pagkagutom at kahirapan, binigyang diin na ang resulta ng survey ay mapalalakas lamang ang pangangailangan na panatilihin at palawakin ang target na tulong sa mga mas nangangailangan. Kris Jose