MANILA, Philippines- Posibleng may pagkukulang ang Philippine Embassy sa Abu Dhabi dahil sa hindi nito ipinabatid sa gobyerno na nasa United Arab Emirates si dating presidential spokesperson Harry L. Roque.
Sinabi ni Justice Undersecretary Nicholas Felix L. Ty na pag-uusapan pa nila ang hinggil sa posibleng “lapses” sa bahagi ng embahada ng Abu Dhabi.
Sinabi ni Ty na mas mainam kung ang embassy mismo ang nagpabatid na humarap sa kanila si Atty. Harry Roque at hindi narinig nila kay Harry Roque mismo sa social media.
Inihayag kamakailan ni Roque sa press conference sa pamamagitan ng Zoom na nagtungo siya sa Abu Dhabi embassy para panumpaan ang kanyang counter-affidavit.
Isinumite ng kanyang mga abogado ang counter-affidavit nitong Dec. 3 sa DOJ panel of prosecutors na nagsasagawa ng preliminary investigation kaugnay nh reklamong qualified trafficking in persons laban kay Roque at sa iba pa hinggil sa umano’y criminal activities ng Lucky South 99, isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Porac, Pampanga na sinalakay ng mga awtorodad.
Si Roque ay nasa ilalim ng Immigration Lookout Bulletin Order (ILBO) kung kaya nakaalerto ang mga awtoridad sa iba’t ibang airports at seaports.Teresa Tavares