Home NATIONWIDE Pagkumpiska sa luxury car ng aktor, isinailalim sa proseso – BOC

Pagkumpiska sa luxury car ng aktor, isinailalim sa proseso – BOC

1
0

MANILA, Philippines — Hindi na basta isinusuko lamang sa gobyerno ang kontrobersiyal na Porsche 918 Spyder na dating pag-aari ng aktor na si Derek Ramsay matapos ihayag ng Bureau of Customs (BOC) na isasailalim na ito sa proseso ng seizure at posibleng auction.

Ayon kay BOC Commissioner Ariel Nepomuceno, mag-iisyu ang ahensya ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) laban sa mamahaling sasakyan na umano’y maling idineklara nang ipasok sa bansa noong 2021.

Sa halip na Porsche 918 Spyder na tinatayang nagkakahalaga noon ng ₱50 milyon hanggang ₱100 milyon, sinabi ng Customs na idineklara ang sasakyan bilang Porsche Boxster na nasa humigit-kumulang ₱10 milyon lamang ang halaga.

Kapag natapos ang proseso ng seizure proceedings at tuluyang mapasakamay ng pamahalaan, sinabi ni Nepomuceno na i-au-auction ang Porsche.

Iginiit ng Customs chief na hindi sisirain o wawasakin ang sasakyan at hindi rin ito ido-donate.

Samantala, hindi lamang ang mismong sasakyan ang pinatutukan ng BOC. Ayon kay Nepomuceno, maaaring managot sa reklamong smuggling ang importer, shipper, consignee at maging ang Customs officer na humawak sa deklarasyon ng sasakyan.

Tinukoy ng BOC ang importer bilang isang kompanya sa United Arab Emirates, ang shipper na Emirates National General Trade, ang consignee na Tobirama Enterprises, at ang Customs officer na si Richard Singh Colasco.

Sa panig naman ni Ramsay, sinabi ni Nepomuceno na maaari pa rin itong ipatawag sa imbestigasyon dahil siya ang naging may-ari ng sasakyan sa loob ng tinatayang apat na taon.

Gayunman, nilinaw ng Customs commissioner na hindi nito agad itinuturing na sangkot sa smuggling ang aktor.

Ayon kay Nepomuceno, ipinapaliwanag ni Ramsay na buyer in good faith lamang siya at wala siyang alam kung paano o saan nagmula ang sasakyan bago ito nakapasok sa Pilipinas.

Samantala, hiwalay namang tututukan ng Land Transportation Office (LTO) ang usapin sa umano’y paggamit ng pekeng plaka ng Porsche sa pampublikong kalsada.

Sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Markus Lacanilao na magkakaroon ng sariling resolusyon ang kanilang tanggapan sa naturang paglabag.

Nauna nang isinuko ng driver ng sasakyan noong ma-flag ito ang kanyang driver’s license sa LTO.

Sa ngayon, nakatuon ang atensyon sa magiging resulta ng seizure proceedings at kung tuluyang mapapasakamay ng gobyerno ang mamahaling Porsche na posibleng muling lumitaw sa isang government auction. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here