Home HOME BANNER STORY Pagkwestyon ni VP Sara sa timing ng P20/kg na bigas, pinalagan ng...

Pagkwestyon ni VP Sara sa timing ng P20/kg na bigas, pinalagan ng Malakanyang

MANILA, Philippines – PINALAGAN ng Malakanyang ang pagkuwestiyon ni Vice President Sara Duterte sa timing ng pilot implementation ng pagbebenta ng P20 kada kilo ng bigas ng administrasyon.

Pinalalabas kasi ni VP Sara na tila itinaon talaga ito sa midterm elections.

Sinabi ni Presidential Communications Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na walang pamumulitika sa usaping ito.

“Kailan pa po ba natin ibibigay ang sakati sa kabayo? Kung kailan namatay na iyong kabayo? Sa pulitika po wala pong timing sa pagbibigay ng ayuda, sa pagbibigay sa taong kinakailangan ng tulong lalung-lalo na iyong mga nasa laylayan ng lipunan, hindi po kinukuwestyun ang timing dito,” ayon kay Castro.

“Sa pinakamaagang kakayanin ng gobyerno  na maibigay ang tulong, ibibigay po iyan. Walang pulipulitika dito, malamang sinasabi lamang ito para muling bigyan ng negatibong epekto ang isinasagawa ng Pangulo para matupad ang P20 na presyo ng bigas,” aniya pa rin.

Sinabi ni Castro na kaya ngayon lamang ito itinulak ng gobyerno ay dahil sa inaral pang mabuti ang bagay na ito.

“Obviously, hindi naman po sa isang click ng kamay ay maisasagawa ito. Lahat po ay kailangang magtulung-tulong katulad po nito, may mga Visayas governors na nagbigay ng kanilang pagsang-ayon para makapagbigay din po ng subsidiya kasama poo ang national government, iyan po ay inaaral, hindi po ito basta-basta isinasagawa, dapat po malinis ang pagkakagawa para po mas magandang maibigay  at kung kakayaning magtuluy-tuloy talaga ang proyektong ito ng Pangulo ay dapat pong gawin lamang,” aniya pa rin.

Samantala, kumpiyansa naman si Castro na mapananatili ito hanggang Disyembre.

“Iyan naman po ay sinasabi masu-sustain hanggang December, ito pong taon ng December at ang pinag-uusapan sa ngayon ay sa susunod na taon ay maaaring maisama na oi ito sa budget,” ang sinabi pa nito. Kris Jose