Home NATIONWIDE Paglaban sa katiwalian, kasakiman ipinangako ni VP Sara sa paglalahad niya ng...

Paglaban sa katiwalian, kasakiman ipinangako ni VP Sara sa paglalahad niya ng mga tagumpay sa 2025

254
0

MANILA, Philippines – Ipinangako ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte nitong Lunes na ipagpapatuloy niya ang paglaban sa korapsyon at kasakiman, habang ibinahagi niya ang mga nagawa ng Office of the Vice President (OVP) ngayong taon.

Ayon sa kanya, maraming Pilipino ang nakinabang sa iba’t ibang tulong at programa ng kanyang opisina kahit limitado ang kanilang budget.

Ngayong taon, ang OVP ay nag-operate sa P733 milyong budget, matapos tanungin ng Kongreso ang paggamit nito ng confidential funds.

Sinabi ni Duterte na ang unmodified opinion na nakuha ng OVP mula sa Commission on Audit (COA) ay patunay ng transparency at integridad sa pananalapi ng opisina.

Ipinaliwanag ng COA na ang unmodified opinion ay ibinibigay kapag ang financial statements ay tama at wasto ayon sa pamantayan sa accounting.

“Patuloy tayong lalaban sa kasakiman ng mga iilang mataas na opisyal ng ating pamahalaan,” ani Duterte.

Noong Agosto, tinanong si Duterte tungkol sa umano’y maling paggamit ng confidential funds. Sinabi niya na ipapaliwanag nila ito sa tamang forum.

Ang alegasyong maling paggamit ng pondo ng OVP at Department of Education noong pinamumunuan niya ang DepEd ay isa sa pitong artikulo ng impeachment laban sa kanya.

Ngunit noong Agosto, ibinasura ng Senado ang impeachment complaint matapos sabihin ng Korte Suprema na lumalabag ito sa konstitusyon sa multiple impeachment proceedings sa loob ng isang taon.

Sa kanyang mahigit 7 minutong ulat, sinabi ni Duterte na ipagpapatuloy ng OVP ang maayos na pagpapatupad ng mga proyekto at paglaban sa korapsyon.

“Patuloy naming ipapakita sa inyo na mahalaga ang plano, mahusay na implementasyon, paglaban sa korapsyon, at malasakit para sa kaunlaran ng bayan,” ani Duterte.

Ayon sa kanya, mahalaga ang kooperasyon ng publiko upang maihatid ang mabilis, mahusay, at makabuluhang serbisyo publiko, lalo na sa kabila ng mga hamon.

Sinabi rin niya na naging malaking hamon ang pagbawas ng malaking bahagi ng budget para sa social services. Ngunit nakipagtulungan sila sa ibang ahensya at nakakuha ng alternatibong pondo, kaya nanatiling bukas ang assistance windows.

Ibinahagi ng OVP ang tulong na kanilang ginawa ngayong taon, kabilang ang 4,643 Pilipino ang nakatanggap ng medical assistance, 1,377 benepisyaryo ng burial assistance, at disaster aid sa 73,054 pamilya.

Para sa mga negosyante at commuter, ipinagpatuloy ang mga programang Mag Negosyo Ta ‘Day at Libreng Sakay; sa Mag Negosyo Ta ‘Day: 15 grupo at 2,245 aspiring entrepreneurs ang natulungan ngayong 2025; at sa Libreng Sakay: mga 875,000 commuter ang nakinabang mula Enero hanggang Oktubre, kabilang na ang Tacloban City

Ani Duterte: “Ito ang pruweba na kung may puso at paninindigan para maglingkod, laging may paraan para tulungan ang ating kababayan.”

Noong nakaraang linggo, natapos ng Senado ang plenary deliberations sa 2026 budget ng OVP nang walang tanong.

Naibalik ang OVP budget sa P889 milyon, alinsunod sa National Expenditure Program. Nakalaan ang karagdagang pondo para sa socio-economic projects, travelling expenses, supplies at materials, professional services, at financial assistance o subsidy. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here