Home NATIONWIDE Paglala ng tensyon sa WPS napigilan sa pagtitimpi ng AFP

Paglala ng tensyon sa WPS napigilan sa pagtitimpi ng AFP

MANILA, Philippines – SINABI ng liderato ng Armed Forces of the Philippines’ (AFP) na ang “reckless and illegal” na pagkilos ng Chinese Coast Guard (CCG) ang sanhi ng pagkasugat ng ilang Philippine Navy (PN) personnel habang naghahatid ng mga suplay sa mga crew ng BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal sa West Philippine Sea (WPS).

Binigyang diin ng liderato ng AFP leadership, na ipinatupad ng PN personnel ang ‘great restraint’ sa nangyaring komprontasyon araw ng Lunes, sa CCG, kung saan ang insidente ay hindi na lumala pa sa kabila ng pagnanakaw at vandalization sa Philippine government equipment.

Nauna rito, sinabi ni AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. na nananatiling mataas ang morale ng Philippine troops na nagpo-protekta sa WPS sa kabila ng tumitinding poot mula sa puwersa ng mga tsino, dahilan ng matinding pagkasugat sa isa sa Filipinong sundalo at mas mababang pinsala sa 7 iba pa.

“They had no right to hijack and destroy Philippine vessels operating within our exclusive economic zone. This behavior resulted in severe injuries to one of our Navy personnel and stands as a stark violation of international maritime law, Philippine sovereignty, and sovereign rights,” ani Brawner.

Tinuran pa ni Brawner na ang sanhi ng problema sa WPS ay ang patuloy na presensiya at aktibidad ng mga Chinese vessels sa loob teritoryo ng Pilipinas.

Binigyang diin nito na ang “continued aggressive behavior of the Chinese coast guard is what escalates tensions in the area.”

Sinabi pa ni Brawner na binisita niya ang PN personnel na direktang sangkot sa nagambalang rotation and reprovisioning (RoRe) mission, araw ng Lunes kabilang na ang sundalo ng Naval Special Operations Group (NAVSOG) na nawalan ng daliri habang nakikipaglaban sa tropa ng mga intsik, kinilala niya ito bilang Seaman 1st class Facundo.

Tinuran ni Brawner na ang lahat ng sundalo na sangkot sa misyon ay gagawaran ng medal para sa kanilang katapangan.

Samantala, sinabi naman ni Rear Admiral Alfonso Torres, Jr., namumuno sa Western Command (Wescom), na nagawang samsamin ng CCG personnel ang mga armas at butasin ang rubber boats ng PN personnel dahil ang Philippine troops na kasama sa RORE missions ay kailangan na panatilihing nakatago ang kanilang mga armas upang maiwasan na magkaroon ng maling pananaw ang CCG sa situwasyon.

“One of our guidance when it comes to the conduct of RoRe is no firearms will be handed or shown by our personnel to the CCG personnel, and we are doing that to avoid misperception that we are conducting an armed operation,” ang paliwanag nito.

Sinabi pa ni Torres na sinamantala ng CCG ang pagkakataon na sinaway ng Philippine troops na nakawin ang kanilang mga armas at sirain ang kanilang mga bangka.

Gayunman, sa kabila ng pananalakay ng mga dayuhan, “our personnel observed firmness, patience, and resilience when they were illegally boarded by the Chinese coast guard,” ayon kay Torres. Kris Jose