Home HOME BANNER STORY Ex-police major timbog sa Las Piñas buy-bust ops

Ex-police major timbog sa Las Piñas buy-bust ops

MANILA, Philippines – Nalambat sa ikinasang buy-bust operation ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Las Piñas City police ang dating police major na nasibak sa serbisyo at tinaguriang high value individual (HVI) Martes ng madaling araw, Hunyo 18.

Sa report na isinumite ni Las Piñas police chief P/Col. Sandro Jay DC Tafalla sa Southern Police District (SPD) ay kinilala ang inarestong suspect na si ex-Major Reynante Ibon y Gutierrez, 54, isang HVI, tubong Mindoro at residente ng Immaculate Village Mataas na Kahoy Batangas City.

Ayon kay Tafalla, naganap ang pag-aresto kay Ibon dakong alas 12:20 ng madaling araw sa panukukan ng Saging at Strawberry Streets, Brgy. CAA, Las Piñas City.

Sa ikinasang buy-bust operation ng mga tauhan ng SDEU ay nakumpiska sa posesyon ng suspect ang pitong pirasong transparent plastic sachet na naglalaman ng 15 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P102,000, kulay puting Nissan X-trail na may plate number ZRU 718, cellular phone Redmi 6 pro color blue, rubber pouch, isang kalibre .45 Colt pistola na kargado ng apat na bala, isang inside holster at ang P500 na ginamit bilang buy-bust money sa naturang operasyon.

Dinala si Ibon sa SPD Forensic Unit para sumailalim sa drug testing habang ang narekober na hinihinalang ilegal na droga ay naiturnover na rin sa nabanggit na unit upang isailalim sa chemical analysis habang ang nakumpiskang baril naman ay isinumite sa SPD crime laboratory para sa ballistic examination.

Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 5 at 11, Article II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act) ang sinibak na pulis na si Ibon sa Las Piñas City Prosecutor’s Office. (James I. Catapusan)