MANILA, Philippines – Nagkaroon ng agam-agam ang ilang mga residente sa Davao City sa presensya at paglalagak sa mga bahay ng mga devices na gagamitin para sa May 12 elections.
Ngunit ayon sa Commissions on Elections (Comelec), nilinaw na ito ay mga Starlink Satellite Transmission Devices at Solar Panels ng iOne Resources Joint Venture ng Ardent Networks, Inc .
“Ang iOne po ang incharge as our provider ng mga starlink. Sila din po magdeploy at install sa mga school at canvasssing centers at Comelec offices na walang signal,” saad ni Garcia.
Sa social media, kumalat ang mga ulat ng pagdedeliber at paglalagak ng naturang mga devices sa mga bahay sa Barangay Buhangin, Davao City at ito ay naiparating naman kay Comelec Chairman George Garcia ng ilang mga media organization.
Ayon kay Garcia, kinumpirma ng iOne JV na ang naturang lugar ay isa sa kanilang staging hub kung saan pansamantalang inilalagak ang sarili nilang kagamitan bago ang final delivery nito sa mga Offices of the Election Officer (OEOs) sa mga karatig na bayan at lungsod pati na sa buong lalawigan.
Ayon pa sa tugon ng iOne, sinabi ni Garcia na pansamanatala lamang ang paglalagak na ito dahil sa Abril 15, 2025 ay agaran na itong ikakabit sa mga Voting at Canvassing Centers sa buong Davao Region batay sa schedule of deployment and installation para sa May 12, 2025 National and Local Elections.
“Hindi po yan mga machines.Asa mga hub po ang mga machines. Mga starlink po yan na kailangang maikabit na ng maaga sa mga school at canvassing area na walang signal,” pagtitiyak pa ni Garcia. Jocelyn Tabangcura- Domenden