MANILA, Philippines – Sinusuportahan ni Parañaque City 2nd district Rep. Brian Raymund Yamsuan ang direktiba ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na ipagbawal ang paglalakbay sa ibang bansa ng lahat ng elective at appointive na lokal na opisyal sa tuwing mayroong kalamidad.
Si Yamsuan, na mismong dating DILG assistant secretary, ay sumulong at sinabi na ang naturang direktiba ay dapat na maging pamantayan sa panahon ng mga kalamidad.
“Our suggestion is for Secretary [Jonvic] Remulla’s directive to be the standard rule for all elective and appointive local officials whenever a disaster is about to hit or any emergency occurs in their respective areas of jurisdiction,” ayon kay Yamsuan.
Ayon kay Yamsuan, kailangan ang pisikal na presensya ng mga local chief executive at iba pang tauhan ng local government units (LGUs) na sangkot sa disaster risk reduction and management (DRRM) efforts upang matiyak ang mabilis at mahusay na pagtugon bago, habang at pagkatapos ng mga sakuna.
“As public servants, our priority should always be the welfare of the people. Unahin dapat ang kapakanan ng mga kababayan natin lalo na sa panahon ng parating na kalamidad,” aniya.
Pinuri ni Yamsuan si DILG chief Remulla sa pag-uutos sa lahat ng elective at appointive na lokal na opisyal na kanselahin at suspendihin ang kanilang paglalakbay sa ibang bansa mula Nobyembre 9 hanggang 15 upang matiyak na sila ay mangunguna sa kanilang mga lugar sa panahon ng paghahanda bago ang kalamidad para kay Uwan gayundin para sa mga operasyon sa pagresponde at pagbawi.
Naalala niya na naglabas din ng memorandum ang DILG noong 2019 na awtomatikong nagre-recall sa lahat ng foreign travel authority at leave of absence ng mga lokal na opisyal sa mga lugar na apektado ng kalamidad upang matiyak na sila ay nasa kanilang mga puwesto sa mga oras na ito at iba pang emergency.
Sa ilalim ng Local Government Code (Republic Act 7160) at Philippine DRRM Act (RA 10121), ang mga local chief executive sa provincial, city at municipal levels ay nagsisilbing chairperson ng kani-kanilang local disaster risk reduction management (DRRM) councils. RNT/MND