Home NATIONWIDE Paglapastangan sa ‘Last Supper’ sa Olympics tugunan ng pagmamahal – Obispo

Paglapastangan sa ‘Last Supper’ sa Olympics tugunan ng pagmamahal – Obispo

MANILA, Philippines – Hinikayat ng isang Obispo ang mananampalataya na tumugon ng may pag-ibig bilang mga anak ng Diyos sa isyu ukol sa mistulang paggaya sa Last Supper sa Olympics.

Ayon kay Antipolo Bishop Ruperto Santos, hindi dapat tanggapin ang mga pananaw ng mga hindi sumasampalataya o umangkop sa pamantayan ng mundo.

Ang mensahe ng Obispo ay kaugnay sa ginawang paglalarawan ng Huling Hapunan ng ilang grupo na ginanap sa pagsisimula ng Paris Olympics-na isa aniyang pagkukutya sa pananampalatayang Kristiyano.

“These types of parodies are not merely harmless or simply creative expressions. Clearly, these are open attacks and disrespect to our faith. Would Jesus have allowed such things without taking or making a stand?,” ayon pa sa mensahe ni Bishop Santos.

Paalala pa ni Bishop Santos, na bilang isang simbahan ay marapat lamang na ating iparinig ang ating hindi pagsang-ayon sa ganitong uri ng paglapastangan, subalit dapat na tumugon nang may pag-ibig, biyaya at katotohanan.

Sinabi pa ng obispo; “The Church is called to uphold God’s Word with kindness and compassion because all of us are sinners in need of God’s saving grace.”

Binigyan diin pa ni Bishop Santos na bagama’t humingi na rin ng paumanhin ang organizer ng Paris Olympics sa pangyayari sa pananakit ng damdamin sa maraming Kristiyano, ay hindi naman humingi ng paumanhin ang mga ito sa kanilang ginawa.

Una na ring kinundena ng French’ Bishops Conference at ng ilang mga lider ng simbahang katolika sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang ginawang pagtatanghal sa Paris Olympics kung saan itinampok ang mga drag queen bilang apostoles habang isang DJ naman ang gumanap na Hesus sa depiction ng Last Supper.(Jocelyn Tabangcura-Domenden)