MANILA, Philippines- Tiniyak sa Senado na mabibigyan at mapananatili ang karapatan ng bawat mamamayan sa pagboto sa lahat ng halalan dulot ng paglikha ng Kutawato province sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa kanyang opening statement sa pagtalakay ng panukala sa Senate committee on Local government, sinabi ni Senador JV Ejercito na nakatitiyak na napananatili ang karapatan ng lahat ng bomoto sa 2025 elections partikular sa Special Geographic Area (SGA) ng BARMM.
Sinabi ni Ejercito na layunin sa pagpasa ng Bangsamoro Organic Law noong 17th Congress na palaganapin ang pangmatagalang kapayapaan sa Mindanao.
“The law allowed residents in the identified territories to vote on their inclusion in BARMM,” ayon kay Ejercito.
Base sa resulta, 63 barangay sa Cotabato province ang naging bahagi ng BARMM sa ilalim ng SGA at kalaunan, bomoto sa paglikha ng walong bagong munisipalidad.
Pero, nagkakaroon ng kakaibang hamon ang paglikha ng bagong munisipalidad dahil hindi sila sumasailalim sa anumang lalawigan ng BARMM kaya nagkaroon ng komplikasyon sa pamamahala at partisipasyong elektoral.
“Recently, we held a hearing to discuss the proposed postponement or resetting of elections in BARMM. One of the issues raised was the disenfranchisement of at least 60 barangays due to their undefined provincial affiliation,” ayon kay Ejercito.
Bilang tugon, ayon kay Ejercito, buo ang kanyang suporta sa Senate Bill No. (SBN) 2875 upang maresolbahan ang ilang alalahaning elektoral na nakaaapekto sa naturang komunidad.
Nakatakda sa SBN 2875, kabibilangan ang paglikha ng Kutawato province ng 63 barangay mula sa munisipalidad ng Pahamuddin (capital town), Kadayangan, Nabalawag, Old Kaabakan, Kapalawan, Malidegao, Tugunan at Ligawasan.
Umaasa si Ejercito na maisadabatas ang panukala upang mabigyan ng karapatan ang residente ng 63 barangay na lumahok sa 2025 election tiyakin ang inclusivity at representasyon sa demokratikong proseso.
“May this legislation serve as an instrument to grant voting rights to our fellow citizens in the Special Geographic Areas,” aniya. Ernie Reyes