MANILA, Philippines- Inaprubahan na ng House Committee on Population and Family Relations ang House Bill (HB) No. 11117 o Fraudulent Birth Certificate Cancelation Law na target ang agarang pagkansela ng mga birth certificates na nakukuha ng mga dayuhan.
Ayon sa komite, “approved in principle” na ang inihaing panukala kaya inaasahan na ang mabilis nitong pagtalakay sa Kamara.
Sinabi ni Manila Rep. Bienvenido Abante, isa sa may akda ng panukala, mahalaga na mapabilis ang proseso ng pagkansela ng mga birth certificates na illegal na nakukuha ng mga dayuhan.
“Securing Philippine birth certificates through fraudulent means grants foreigners access to opportunities reserved for Filipino citizens and facilitates involvement in illegal activities. This is a very important bill that ought to be approved,” pahayag ni Abante.
Ang House Bill (HB) 11117 ay ang ikatlong panukalang batas na inihain ng House Quad Committee bilang resulta ng kanilang isinasagawang investigation in aid of legislation sa kaso ng EJK at war on drugs sa ilalim ng Duterte administration.
Ang panukala ay inihain matapos mabunyag na libo-libong dayuhan ang nakakuha ng mga birth certificate sa Pilipinas sa pamamagitan ng pamemeke ng mga dokumento.
Sa Davao del Sur lamang, mahigit 1,200 fake birth certificate ang inilabas ng local civil registrar hanggang Hulyo 2024.
Naniniwala ang mga mambabatas na maaring may sabwatan ang mga ito sa opisyal ng gobyerno.
Kahit na may sapat na ebidensya ng pandaraya, binanggit ng mga mambabatas na ang kasalukuyang pamamaraan ay nangangailangan ng kautusan mula sa korte upang mapawalang-bisa ang birth certificate, isang proseso na maaaring magtagal ng ilang taon.
Kaya naman sa bagong panukala ay pabibilisin ang proseso sa pamamagitan ng pagtatatag ng isang Special Committee on Cancellation of Fraudulent Birth Certificates na pamumunuan ng Registrar General ng Philippine Statistics Authority (PSA) at kasapi bilang miyembro ang Department of Foreign Affairs, Department of the Interior and Local Government, Department of Justice, at Office of the Solicitor General (OSG).
Kabilang sa mandato ng komite na magsagawa ng imbestigasyon sa mga reklamo, maglabas ng subpoena para sa mga ebidensya, at magbigay ng desisyon ukol sa mga fake birth certificate sa loob ng 30 araw mula sa pagtanggap ng mga ebidensya.
Ang reklamo ay maaring isampa ng sinumang legal-age citizen o ng law enforcement agency at kailangang magbigay ng detalyadong impormasyon at ebidensya tulad ng pangalan ng dayuhan, detalye ng pekeng birth certificate, at kung paano ito nakuha.
Bibigyan ng 15 araw ang foreign national upang sagutin ang reklamo, pagkatapos nito ay magsasagawa ng pagdinig ang komite at magbibigay ng desisyon batay sa ebidensya.
Ang mga desisyon ay agad na ipatutupad, bagama’t maaaring iapela sa Office of the President, at resolbahin ang apela sa loob ng 30 araw.
Layunin din ng panukalang batas na magpataw ng parusa sa mga opisyal ng gobyerno at mga pribadong indibidwal na nagsabwatan para makakuha ng pekeng dokumento. Gail Mendoza