MANILA, Philippines – Muling iginiit ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang panukalang paglikha ng Executive-Legislative Labor Commission (LabCom) kasunod ng pagtaas sa tinatayang 2.5 milyon ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho nitong Mayo 2026.
Base sa Philippine Statistics Authority (PSA), umakyat sa 4.8 porsiyento ang unemployment rate nitong May mula sa 4.7 porsyento nitong April. Dahil dito, nadagdagan ang bilang ng mga jobless na Pilipino mula 2.41 milyon hanggang 2.5 milyon.
Bumaba naman sa 12.2 porsyento ang underemployment rate mula sa 15.2 porsyento nitong nakaraang buwan, ngunit sinabi ni Cayetano na hindi sapat na mas maraming Pilipino ang may trabaho kung nananatili namang mababa ang sahod at kulang ang seguridad sa hanapbuhay o security of tenure.
Kaya naman muli niyang isinusulong ang paglikha ng LabCom, isang prayoridad na panukalang inihain noong July 2025 upang makalikha ng pangmatagalang patakaran at polisiya para sa sahod, trabaho, proteksyon ng manggagawa, at iba pang usaping may kinalaman sa labor sector.
“This body will convene representatives from Congress, the Executive branch, Micro-, Small and Medium-sized Enterprises (MSMEs), trade and industry, and the labor sector, including the migrant and informal sectors, to collectively pursue a sustainable solution to the living wage issue,” ani Cayetano nang ihain niya ang panukala.
Aniya, hindi lamang kakulangan sa trabaho ang dapat tugunan kundi maging ang matagal nang problema sa mababang sahod at mabagal na paglutas ng labor case.
Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang 2026 budget ng Department of Labor and Employment (DOLE), sinabi ni Cayetano na maraming manggagawa ang napipilitang isuko ang kanilang reklamo dahil wala silang kinikita habang dinidinig ang kanilang kaso.
“Marami talagang nawawalan ng gana na maghabol kasi walang kinikita habang umaandar ang kaso,” aniya.
Sa ilalim ng panukalang LabCom, inaasahang magkakaroon ng mas maayos at nakabatay sa datos na mga reporma sa labor sector. Kabilang dito ang paggawa ng wage policies na naaayon sa pangangailangan ng bawat industriya sa halip na iisang polisiya para sa lahat.
“The LabCom will not talk in generalities. It will come out industry specific,” ani Cayetano.
Dagdag pa ng senador, layunin din ng panukala na maibalik ang dignidad ng paggawa at makalikha ng mas maraming dekalidad na trabaho upang hindi na mapilitang mangibang-bansa ang maraming Pilipino.
“Not only will this bring us closer to realizing the just and humane society envisioned by our Constitution, it will also help end the endless stream of Filipinos who are forced to leave their homes and families for what they hope would be greener economic pastures,” wika ni Cayetano. Ernie Reyes