MANILA, Philippines – PINAPLANTSA pa rin hanggang ngayon ng gobyerno ng Pilipinas at gobyerno ng Indonesia ang mga kondisyon sa paglilipat kay Mary Jane Veloso na may ilang taon na ring nakakulong at hinatulan ng parusang kamatayan sa Indonesia dahil sa pagdadala ng 2.6 kilograms ng heroin sa naturang bansa noong 2010.
Sa Joint Statement ng Department of Foreign Affairs (DFA) at Department of Justice (DoJ), kapuwa sinabi nito na “we are bound to honor the conditions that would be set for the transfer, particularly the service of sentence by Mary Jane in the Philippines, save the death penalty which is prohibited under our laws.”
“The conditions for the transfer of Ms. Mary Jane Veloso are still being discussed with Indonesia,” ang nakasaad pa rin sa nasabing joint statement.
Nauna rito, binigyang-kredito naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. , araw ng Huwebes, ang matatag at malalim ng relasyon ng Pilipinas at Indonesia sa pagsagip sa buhay ni Veloso.
Sa katunayan, Isiniwalat ni Pangulong Marcos na mismong ang Indonesia ang nagpalit ng sentensiya ni Veloso kung saan mula sa death sentence ay ginawa itong life imprisonment.
Sa isang panayam sa Nueva Ecija, sinabi ni Pangulong Marcos na ang pagpapalit o pagbabago ng sentensiya mula sa death sentence na ginawang life imprisonment ay inisyal na layunin ng kanyang administrasyon.
“Since I came into office, what we were trying to… what we were working on it was tanggalin na siya sa death row, to commute her sentence to life [imprisonment],” ang sinabi ng Pangulo sa isang panayam.
“Noong nangyari ‘yun, when we were able to achieve that, we continued to work with them. It was still with the Widodo government at that time,” dagdag na wika ng pangulo, tinukoy si dating Indonesian President Joko Widodo.
Tinuran pa ng Pangulo na ang yumayabong na relasyon sa pagitan ng Maynila at Jakarta ay bitbit pa rin ng pumalit kay Widodo na si President Prabowo Subianto, na noon ay naging daan para sa pang huling desisyon para aprubahan ang paglilipat kay Veloso.
“Dahil maganda naman ang ating relasyon, nakahanap sila – gumawa sila ng paraan, this is the first time they did this,” ang sinabi pa rin ni Pangulong Marcos. Kris Jose