MANILA, Philippines – Sinabi ni Senador Sherwin Gatchalian na kinakailangang ilipat ang ilan sa iminungkahing P49-bilyon para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) upang palawakin ang zero-balance billing program ng gobyerno.
Si Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Finance at kasalukuyang namumuno sa mga deliberasyon sa panukalang 2026 national budget, ay nagpahayag ng paniniwala na ang mga nangangailangan ng tulong medikal ay hindi kailangang pumila sa mga opisina ng mga pulitiko para lamang makamit ang mga naturang benepisyo.
“We are putting the decision-making power on life and death in the hands of the politicians, which is not the right thing to do because the system should help our constituents,” aniya.
Bilang chairman ng Senate finance panel, sinabi ng senador na naniniwala siyang dapat ilipat ang pondo ng MAIFIP sa zero-balance billing program ng gobyerno.
“We should reform our Universal Healthcare to ensure access to quality health services for all Filipinos without financial hardship,” dagdag niya.
Nanindigan din ang Senate finance panel chief na dapat sapat ang zero-balance billing program at ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) para matulungan ang mga pasyente sa mga pampublikong ospital.
Gayunpaman, binigyang-diin ni Gatchalian na kailangan pa ring palawakin ang absorptive capacity ng mga pampublikong ospital. Nauna niyang nabanggit na ilang pampublikong ospital ang lumampas na sa kapasidad ng kama.
Sa pagpapatupad ng gobyerno ng zero-balance billing program, nagbabala ang mambabatas na hindi maiiwasang magdodoble ang kasalukuyang occupancy rate sa mga ospital. RNT/MND