MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Bureau of Immigration (BI) ang buong suporta nito sa paglagda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Republic Act No. 12312, o ang Anti-POGO Act of 2025, na nagpapatibay sa buong bansa na pagbabawal sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang bagong batas ay isang matatag na hakbang tungo sa pangangalaga ng pambansang seguridad at pagpapanatili ng kaayusan sa publiko.
“We fully support the President’s leadership in putting an end to POGO operations. This landmark law affirms our collective commitment to protecting our borders from criminal syndicates that exploit offshore gaming to engage in human trafficking, cybercrime, and other forms of organized criminal activity,” ani Viado.
Binigyang-diin ng BI chief na ang Bureau ay matagal nang nangunguna sa pagtukoy at pagpapatapon sa mga dayuhang may kaugnayan sa mga ilegal na online gaming hubs, na marami sa mga ito ay napag-alamang may kinalaman sa pandaraya, tortyur, at human trafficking.
“The Anti-POGO Act sends a strong message that the Philippines will not tolerate any activity that undermines our national security, economic integrity, or the welfare of our people. We will continue to enforce the law with the full force of our mandate,” dagdag pa ni Viado.
Nilagdaan ni Pangulong Marcos ang Republic Act No. 12312 noong Oktubre 23, 2025, na nagpapawalang-bisa sa Republic Act No. 11590, na dating nagpataw ng buwis sa mga offshore gaming licensees at service providers. Ang Pangulo ay unang nagpataw ng pagbabawal sa offshore at internet gaming sa pamamagitan ng Executive Order No. 74 noong Nobyembre 2024, na binanggit na nag mga naiuugnay dito ay mga krimen tulad ng human trafficking at torture.
Sa ilalim ng bagong batas, ang mga lalabag ay mahaharap sa pagkakakulong ng hanggang 12 taon at multang aabot sa P50 milyon. Ang mga dayuhang nagkasala ay ipapatapon pagkatapos masilbi ang kanilang sentensiya at permanenteng pagbabawalan na muling pumasok sa bansa.
“The Bureau of Immigration stands firmly with the President in implementing this historic reform. This is a victory for law enforcement, for good governance, and most importantly, for the Filipino people,” ayon pa kay Viado. JAY Reyes