ISABELA, Philippines – Huli sa aktong nagpapot session ang dalawang pinaniwalaang adik sa droga ng pulisya sa Brgy. San Fermin, Cauayan City, Isabela.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Gle” nasa hustong gulang, may asawa, isang ahente, residente ng Research, Minante 1, Cauayan City, Isabela at alyas “Jer,” nasa hustong gulang, binata, at walang trabaho, residente ng Villarta St, Brgy District 1, Cauayan City, Isabela.
Sa ipinarating na ulat ni PLtCol. Avelino Canceran Jr., hepe ng Cauayan Component City Police Station kay PCol. Lee Aleen B. Bauding, Provincial Director ng Isabela Police Provincial Office (IPPO) sa pinaigting na kampanya laban sa illegal na droga ay naaresto ang dalawang katao sa paglabag sa Section 11 at 15, Article II ng Republic Act No. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002).
Una rito, nakatanggap ng impormasyon mula sa Tactical Operation Center (TOC) ng Cauayan CCPS tungkol sa nagaganap na “pot session” sa isang bahay na pag-aari ng isang alyas “API,” kaagad na rumesponde ang mga tauhan ng pulisya upang alamin ang katotohanan ng ulat.
Bumulaga sa rumesponding pulisya ang mga suspek na gumagamit ng hinihinalang shabu, na nagresulta sa kanilang agarang pagkakaaresto.
Nakumpiska sa mga suspek ang mga sumusunod na ebidensya; Isang (1) medium-sized na transparent plastic sachet na naglalaman ng isang maliit na heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu; Isang (1) piraso ng berdeng gunting; Tatlong (3) piraso ng gusot na aluminum foil; Pitong (7) piraso ng improvised tooter; Dalawang (2) piraso ng lighter kulay berde at pula; Isang (1) piraso ng aluminum foil na may plastic; Isang (1) piraso ng stainless needle; Anim (6) na piraso ng hindi nagamit na maliit na transparent plastic sachet; Labintatlong (13) nagamit nang maliliit na transparent plastic sachet na may residue; Apatnapung (40) piraso ng gusot at nagamit nang aluminum foil at hindi nagamit na aluminum foil; Isang (1) puting cellphone box Honor 200 at Labindalawang (12) hindi nagamit na medium-sized na transparent plastic sachet na nakalagay sa isang medium plastic sachet.
Pansamantala nasa kustodiya ng pulisya ang dalawang suspek para sa kaukulang dokumentasyon at tamang disposisyon. (REY VELASCO)