Home NATIONWIDE Paglipat ng P43-B benepisyo ng kawani sa unprogrammed funds kinondena ni Tinio

Paglipat ng P43-B benepisyo ng kawani sa unprogrammed funds kinondena ni Tinio

210
0

MANILA, Philippines – Mariing kinondena ni ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio ang umano’y paglipat ng mahigit P43 bilyon na benepisyo ng mga kawani ng gobyerno mula sa tiyak na pondo patungo sa unprogrammed appropriations (UA) sa ilalim ng 2026 national budget.

Ayon kay Tinio, batay sa ratipikadong ulat ng 2026 General Appropriations Bill (GAB), inilipat ang P10.77 bilyon para sa salary upgrades at P32.47 bilyon para sa retirement at terminal leave benefits mula sa Miscellaneous Personnel Benefits Fund at Pension and Gratuity Fund patungo sa bagong UA item na “For Payment of Personnel Services Requirements.”

Babala ni Tinio, nagiging hindi tiyak ang pagbabayad ng mga benepisyong ito dahil ang UA ay nakadepende sa availability ng pondo.

Ang 2026 GAB, na nagkakahalaga ng P6.793 trilyon, ay inaasahang lalagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Enero 5.

Ayon sa mambabatas, ginawa umano ang paglilipat upang bigyang-daan ang mahigit P63 bilyong dagdag na lump-sum pondo para sa LGUs.

“This is a brutal betrayal of our civil servants… [ginawang] subject to the availability of funds,” ani Tinio.

Dagdag niya, “Mula sa tiyak na pondo dahil nasa regular or programmed budget, naging hindi tiyak dahil nilipat sa ‘standby’ or unprogrammed budget. Samakatwid ginawang alanganin ang pagbayad sa mga benepisyong ito.”

Binalikan din ni Tinio ang karanasan sa 2025 Service Recognition Incentive (SRI) kung saan hindi pa natatanggap ng ilang kawani ang buong P20,000.

“Ginawa na ito sa atin nitong 2025… Ngayon, isinusugal na nila ang sahod at pensiyon natin para sa susunod na taon,” aniya.

Inakusahan din niya ang administrasyon na ginagamit ang benepisyo ng mga kawani bilang panangga laban sa panawagang i-veto ang UA, na nasangkot umano sa anomalya sa flood control projects noong 2023 at 2024.

Nanawagan si Tinio na i-veto ng Pangulo ang UA, kasabay ng agarang pagsusumite ng supplemental budget upang ibalik ang P43.245 bilyon para sa sahod at retirement benefits.

“Huwag gawing hostage ang suweldo at benepisyo ng mga lingkod-bayan para protektahan ang isang tiwaling sistema,” pagtatapos niya. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here