Home HOME BANNER STORY Paglipat sa Senate majority ‘di nangangahulugang pagkontra kay VP Sara – Malakanyang

Paglipat sa Senate majority ‘di nangangahulugang pagkontra kay VP Sara – Malakanyang

1
0

MANILA, Philippines – SINABI ng Malakanyang na ang mga senador na lumipat sa Senate majority bloc ay hindi nangangahulugan na na-secure na ang kombiksyon laban kay Vice President Sara Duterte.

Binigyang diin ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, “ang mga miyembro naman ng majority, hindi naman nangangahulugan na sila-sila ay pare-pareho nang ibuboto or pare-pareho sila ng kanilang pagdidesisyon; individual naman ang kanilang gagawin.”

“So, kahit maging miyembro ang karamihan sa kanila or rather ang iba sa kanila ay sa majority, hindi naman nangangahulugan na magdidikta sila kung ano ang mangyayari at magaganap sa impeachment trial,” ang sinabi pa rin ni Castro.

Hindi naman masabi ni Castro kung ang kamakailan lamang na paglipat ni Senador Mark Villar sa majority bloc ay nangangahulugan na tumaas na ang porsiyento ng kombiksyon ni VP Sara.

Tinukoy pa ni Castro na kung marami aniya na ang pumanig sa mayorya sa Senado, “it does not necessarily mean they are against Vice President Sara Duterte.”

Pinabulaanan naman ni Castro ang sinabi ni Senador Alan Peter Cayetano na may kinalaman ang Malakanyang sa paglilipat ng alyansa.

Aniya, hindi maaaring diktahan ng administrasyon ang mga senador.

“May mga sariling isipan at pagdidesisyon ang mga senador; hindi sila maaaring diktahan,” ang winika pa rin ni Castro.

“Dahil kung sila ay madidiktahan at wala silang pag-iisip, hindi sila dapat na binuboto ng taumbayan. So, iyan ang dapat nating iparating kay Senator Alan Cayetano dahil kung ganito ang kaniyang iniisip, naranasan niya ba ito sa panahon ni dating Pangulong Duterte na ang kanilang mga miyembro sa Senado ay nadidiktahan,” litaniya ni Castro.

Umaasa naman si Castro na magdedesisyon ang mga senador base sa ebidensiya kaysa sa kanilang alyansa.

“Ang dasal lang natin, at marahil ito rin ang dasal ng lahat ng ating mga kababayan, mag-decide lang sila base sa ebidensya, hindi base sa kaalyado nila o kakampi sila. So, dapat base lang sa ebidensiya dahil ang magwawagi dito ay hindi ang Senado, hindi iyong impeached official, kung hindi ang taumbayan,” anito.

Gayunman, naniniwala si Villar na ang pagsama sa majority bloc ay “good for legislation” lalo na sa mga priority bills na itinutulak ng administrasyong Marcos.

“Marami po talaga kasing priority bills na inaasahan ng Pangulo na magiging batas bago pa man matapos ang kaniyang termino. Kapag mas maraming maniniwala sa mga programa ng Pangulo, mas magiging maganda ito para sa bansa at para sa ating mga kababayan,” ang sinabi ni Castro.

“So mas maganda ang naging mensahe na ito dahil malamang mas marami ang naniniwala sa kanila kung ano ba ang dapat na tunguhin at kung saan ba ang dapat na direksyon ng ating gobyerno pagdating sa pagpapagawa o pagsasabatas ng mga may kinalamang isyu sa ating bansa,” aniya pa rin. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here