MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III na hindi ang pagtanggi sa pagpirma ni Sen. Imee Marcos sa resolusyon laban sa pahayag ng Chinese Embassy ang dahilan kung bakit siya papalitan bilang chairperson ng Senate foreign relations committee.
Ani Sotto, napagkasunduan ng majority bloc na dapat ang pangunahing komite ay pamunuan ng isang miyembro ng majority, samantalang kabilang si Marcos sa minority bloc.
“Originally na kay Senator Imee Marcos ‘yun. Hinayaan namin… pero apparently things didn’t work out that way,” dagdag niya.
Ang committee ay humahawak sa ugnayan ng Pilipinas sa ibang bansa, mga treaty, at overseas Filipinos. Si Sen. Erwin Tulfo ay matagal nang interesado sa posisyon.
Sa kabila ng mga tensyon sa resolusyon tungkol sa China, iginiit ni Sotto na hindi iyon naging dahilan ng pagpapalit. Ang resolusyon ay tatalakayin sa plenaryo sa Lunes. RNT/MND