MANILA, Philippines – Tinanggihan ng Pilipinas ang panawagan ng Tsina na alisin ang US Typhon missile system sa South China Sea, iginiit ang soberanyang karapatan nitong palakasin ang depensa ng bansa.
Ayon sa National Security Council (NSC), ang mga missile ay para sa depensa at hindi banta sa rehiyon.
Binatikos din ng NSC ang Tsina sa patuloy nitong military expansion habang inaakusahan ang Pilipinas. Tinawag nitong “mapanlinlang” ang posisyon ng Beijing at binigyang-diin na hindi naman tinutulan ng Manila ang lumalawak na missile arsenal ng Tsina.
Samantala, iginiit ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang dayuhang bansa ang maaaring magdikta sa depensa ng Pilipinas. Sinabi ni AFP spokesperson Colonel Francel Margareth Padilla na tungkulin ng militar na protektahan ang soberanya ng bansa laban sa anumang banta.
Samantala, inakusahan ng People’s Daily ng Tsina ang Pilipinas ng pagtalikod sa pangakong aalisin ang mga missile at sinabing ang rehiyon ay nangangailangan ng kapayapaan, hindi komprontasyon.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na aalisin lamang ang missile system kung ititigil ng Tsina ang agresyon nito sa West Philippine Sea.
Ang Typhon missile system ay may kasamang Tomahawk cruise missiles na kayang tamaan ang mga target sa Tsina at Rusya, pati na rin ang SM-6 missiles na may saklaw na mahigit 200 kilometro. RNT