Home NATIONWIDE Pagpapahusay ng Konsulta Program ng PhilHealth, pinuri ni Bong Go

Pagpapahusay ng Konsulta Program ng PhilHealth, pinuri ni Bong Go

MANILA, Philippines- Nagpahayag ng buong suporta si Senator Christopher “Bong” Go sa pagpapahusay ng PhilHealth Konsultasyong Sulit at Tama (Konsulta) program, na isinama ngayon ang increase ng capitation rate sa P1,700 kada pasyente taun-taon.

Binigyang-diin ni Go na ang pagpapahusay na ito ay napakahalaga sa pagtiyak ng abot-kayang pangangalagang pangkalusugan para sa lahat ng Pilipino.

“Ang layunin natin ay masiguro na ang bawat Pilipino ay may access sa abot-kayang serbisyong pangkalusugan. Isang importanteng hakbang po ang pagtaas ng capitation rate para masiguro natin na may sapat na pondo ang mga health providers upang maibigay ang kinakailangang serbisyo,” paliwanag ni Go.

Ang Konsulta program, sa ilalim ng Universal Health Care Law, ay nagbibigay ng libreng taunang check-up, mga piling diagnostic test, at mga iniresetang gamot.

Ang increase ng capitation ay magbibigay-daan sa mga karagdagang serbisyo tulad ng mammography at ultrasound screening na mahalaga sa maagang pagtuklas ng iba’t ibang kondisyon sa kalusugan.

“Sa panahon ngayon, mahalaga na palawakin natin ang saklaw ng ating mga programa sa kalusugan upang mas maraming kababayan ang makinabang,” said Go.

Ang pag-apruba ng PhilHealth sa increase ng capitation rate ay inaasahang maipatutupad sa Hunyo 2024, kung saan ang pribadong Konsulta package provider ay pinapayagang mangolekta ng co-payment na hanggang P900, habang ang mga public provider ay patuloy na mag-aalok ng mga serbisyo nang walang karagdagang singil.

Patuloy na pinaplantsa ng Department of Health (DOH) at PhilHealth ang operational details ng programa upang matiyak ang maayos na pagpapatupad nito, gaya ng pagpapahusay sa sistema ng information technology.

Bilang tagapangulo ng Senate committee on health and demography, idiniin ni Sen. Go ang patuloy niyang pagsuporta sa pagtatayo ng mas marami pang Super Health Centers sa buong bansa.

Ang SHCs ay malaking tulong para mabawasan ang rate ng occupancy sa mga ospital habang nailalapit ang mga serbisyong medikal ng gobyerno sa mahihirap.

Idinensyo ang mga Super Health Center para sa pangunahing pangangalaga, konsultasyon, at maagang pagtuklas ng mga sakit.

Sinabi ni Go na ang mga libreng konsultasyon ay hahawakan ng mga municipal health offices, local government units, at Philippine Health Insurance Corporation sa pamamagitan ng Konsulta program nito. RNT