MANILA, Philippines – Nagbabala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) laban sa mga indibidwal na magpapakalat ng bomb threat, kasunod ng sunod-sunod na banta sa ilang unibersidad sa Maynila at sa nalalapit na paggunita ng Undas.
Sa pahayag ni NCRPO Officer-in-Charge Brig. Gen. Christopher Abrahano habang iniinspeksiyon ang Manila North Cemetery nitong Biyernes, Oktubre 30, sinabi niyang mahigpit ang kanyang utos sa mga pulis na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa mga naitalang banta.
Ayon kay Abrahano, may sinusunod na protocol ang pulisya sa bawat bomb threat. May sarili ring proseso ang Explosive Ordnance Division sa pagtugon, depende sa antas ng banta.
Binigyang-diin niya na krimen ang pagpapadala ng bomb threat kahit pa ito ay biro, prank o pagpapatawa lamang dahil may kaakibat itong parusa at pagkakakulong.








