MANILA, Philippines – Sinabi ng Department of Agrarian Reform (DAR) na mas mapapadali na para sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) sa Batangas ang pagkuha ng mahahalagang balita mula sa DAR sa pamamagitan ng isang text blast system na kasalukuyang binubuo.
Ayon sa DAR layunin ng programang ito na maiparating agad sa ARBs ang mga schedule ng opisina, status ng kanilang papeles, anunsyo, at updates sa mga programa—kahit wala silang internet.
Kaugnay nito inilatag nina Doc. Geraldine Dimaculangan at Maria Cristina M. Ramos ang panukala kay OIC PARPO II Atty. John Erick M. Sawal, kasama sina CARPO–PBDD Ma. Surallah Rabino at ARPO I Ehrlich Sandoval.
Kapag naipatupad, direktang makakatanggap ng text ang mga ARB, lalo na ang mga nasa malalayong lugar, para hindi na sila mahirapang magtanong o bumiyahe pa sa DAR.
Makakatulong ito upang makatipid sa oras at pamasahe, maiwasan ang delay, at mas mapabilis ang serbisyo ng gobyerno para sa mga magsasaka.
Ipinapakita ng inisyatibong ito ang malasakit ng DAR–Batangas sa mas maayos at mas abot-kayang serbisyo para sa mga ARB sa buong lalawigan. (Santi Celario)