Home METRO Pagpapaliban ng BSKE pag-aaralan ni PBBM

Pagpapaliban ng BSKE pag-aaralan ni PBBM

258
0

MANILA, Philippines – Kailangan munang pag-aralang mabuti ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang panukalang pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at palawigin ang termino ng lahat ng mga opisyal ng barangay at sangguniang kabataan.

Sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Undersecretary Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na sa ngayon ay hindi natatanggap ng Pangulo ang enrolled bill hinggil sa pagpapaiban ng 2025 BSKE at ekstensyon ng mga termino ng mga opisyal.

“Kapag po natanggap na po, pag-aaralan po iyang mabuti para po mapirmahan kung dapat mapirmahan, aayunan kung dapat sang-ayunan,” ayon kay Castro.

Sa ulat, kumpiyansa si Senate President Chiz Escudero na pipirmahan ni Pangulong Marcos para maging ganap na batas ang panukalang pagpapaliban ng BSKE.

Bago magsara ang 19th Congress, inaprubahan ng Kongreso ang panukalang batas na magpapaliban ng BSKE sa Nobyembre 2026, na dapat sana ay gagawin sa Disyembre ng taong ito.

Ayon sa senador, isa ito sa mga tinalakay at pinagkasunduan sa naging meeting ng Legislative Executive Development Advisory Council (LEDAC).

Naniniwala rin si Escudero na hindi ito maidedeklarang unconstitutional o labag sa Saligang Batas dahil bukod sa pagpapaliban sa eleksyon ay itinatakda rin ng panukalang ito ang bagong termino ng mga barangay officials.

Sinabi ni Escudero na naideklara lang ng Supreme Court na partially unconstitutional ang batas tungkol sa pagpapaliban ng 2022 BSKE (RA 11935) dahil ang layon lang nito ay iurong ang eleksyon at walang kasamang pagtatakda ng bagong termino. /Kris Jose

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here