Home NATIONWIDE Pagpapasuri para sa mpox libre sa gov’t hospitals – Herbosa

Pagpapasuri para sa mpox libre sa gov’t hospitals – Herbosa

197
0

MANILA, Philippines- Maaaring makakuha ng libreng testing services sa mga ospital ng gobyerno ang mga hinihinalang mga kaso ng mpox, upang makumpirma kung sila ay may Monkeypox virus o wala, sinabi ng Department of Health (DOH) nitong Miyerkules.

Inihayag ito ni Health Secretary Ted Herbosa nang tanungin ni House Deputy Majority Leader at dating Health Secretary Janette Garin sa pagdinig ng House Committee on Appropriations sa panukalang budget ng DOH para sa susunod na taon.

Gayunman, sinabi ng kalihim na ang Pilipinas ay maaaring magkulang ng supply ng test kits para sa mpox sa lalong madaling panahon. Sinabi ni Herbosa na inatasan niya ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na bumuo ng benefit package para sa mga miyembrong gustong magpasuri.

“I’ve asked PhilHealth to actually create already a benefit package for mpox testing because we will run out of the test kits pretty soon and we’ll have to procure additional test kits,” wika ni Herbosa.

Ang mga ospital na kumakalap ng kumpletong datos ng kaso at mga specimen para sa kumpirmasyon ng mpox ay kinabibilangan ng Research Institute for Tropical Medicine, San Lazaro Hospital, East Avenue Medical Center, Jose Reyes Memorial Medical Center, Jose N. Rodriguez Memorial Hospital, Quirino Memorial Medical Center, at ang UP -Philippine General Hospital, bukod sa iba pa. Noong Linggo, inihayag ng DOH na mayroon nang walong aktibong kaso ng mpox sa bansa dahil tatlong karagdagang kaso ang natukoy. Ang kabuuang mpox caseload sa Pilipinas ay nasa 17 na mula noong Hulyo 2022.

Nilinaw din ni Herbosa na hindi awtomatikong magkakaroon ng mpox ang isang tao kapag nahawakan niya ang isang infected na indibidwal.

Sinuman ay maaaring magkaroon ng mpox, ayon sa DOH, at ang virus ay maaaring maipasa sa mga tao sa pamamagitan ng close at intimate contact sa isang taong nakahahawa, sa pamamagitan ng mga kontaminadong materyales tulad ng mga ginamit na damit o kagamitan, o sa pamamagitan ng mga nahawaang hayop.

Pinayuhan ang publiko na gumamit ng sabon at tubig upang patayin ang virus, at gumamit ng guwantes kapag naghuhugas ng mga kontaminadong materyales.

Para sa fiscal year 2025, ang iminungkahing badyet para sa DOH ay nasa P303.6 bilyon, kung saan, 73.4% ang mapupunta sa mga programa sa ilalim ng Office of the Secretary, na nagkakahalaga ng P222.8 bilyon.

Samantala, ang attached corporations ng DOH ay makakukuha ng P80.4 bilyon (26.5%), at ang natitirang P371 milyon (0.1%) ay mapupunta sa attached agencies ng DOH. Jocelyn Tabangcura-Domenden

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here