MANILA, Philippines- Magpapadala ng mga team ang Department of Justice (DOJ) at ang National Bureau of Investigation (NBI) sa Indonesia kung saan naaresto si dismissed Mayor Alice L. Guo ng Bamban, Tarlac.
“We are looking at sending our prosecutors,” pahayag ni DOJ Secretary Jesus Crispin C. Remulla sa press briefing nitong Miyerkules.
Bukod sa prosecutors, ani Remulla: “We are sending an NBI team over” composed of senior agents.
Nauna nang inihayag nina Local Government Secretary Benhur Abalos at Philippine National Police Chief General Rommel Marbil ang posibilidad na pupunta sila sa Indonesia.
Bagama’t inilahad ng PNP ang intensyong isailalim sa kustodiya nito si Guo pagdating sa bansa, sinabi ni Remulla na magkakaroon ng pagtalakay upang tukuyin kung saan ididitene ang dating alkalde.
“Alam mo hindi kami magkalaban ng PNP. Magkakampi kami. It should not be an issue,” giit ni Remulla.
Samantala, binanggit ni Remulla na patuloy ang imbestigasyon upang malaman kung paano nakatakas ng bansa si Guo at alamin kung sino ang tumulong dito.
Aniya, hindi agad sinabi sa kanya ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na wala na sa Pilipinas si Guo.
“Kaya hindi kami nag-uusap hanggang ngayon. Hindi tama ‘yung ganoong klaseng asal,” wika ni Remulla. RNT/SA