Home NATIONWIDE Pagpapataas pa sa benepisyo ng PhilHealth isinusulong ni PBBM

Pagpapataas pa sa benepisyo ng PhilHealth isinusulong ni PBBM

1
0

MANILA, Philippines – ISINUSULONG ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagpapalakas ng health assistance para sa mga pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng panukalang P74.45 bilyong pondo para sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa 2027.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, sinabi ng Department of Budget and Management (DBM) na kabilang sa panukalang pondo ang P19 bilyon para sa pagpapahusay ng mga benepisyo ng PhilHealth.

Ito ay bilang bahagi ng mga hakbang ng pamahalaan upang makatulong na mabawasan ang bigat ng gastusing medikal ng mga Pilipino.

“Dahil batid ni Pangulong Marcos Jr. ang bigat ng medical expenses para sa mga pamilyang Pilipino. Ang panukalang pondo ay gagamitin sa pagpapaganda ng benefits ng PhilHealth. Kabilang din ang priority health needs gaya ng mental health and severe malnutrition,” ang pahayag ni Castro.

Sinabi pa ni Undersecretary Castro na kabilang din sa alokasyon ang premium subsidies mula sa national government para sa mga kwalipikadong benepisyaryo ng PhilHealth, na inaasahang aabot sa 11 milyon pagsapit ng 2027.

Ang panukalang dagdag na pondo para sa kalusugan ay kasabay ng patuloy na pagpapatupad ng pamahalaan ng mga programa upang mabawasan ang out-of-pocket expenses ng mga pasyente.

Sa isinagawang Handog ng Pangulo noong Setyembre 14, sinabi ni Castro na personal na nagtungo si Health Secretary Edwin Mercado sa Philippine General Hospital (PGH) upang saksihan ang paghahatid ng libreng serbisyong pangkalusugan sa mga pasyente.

Bukod dito, nakatanggap din ng tulong ang mga pasyente sa pamamagitan ng Zero Balance Billing, mga benepisyo ng PhilHealth, at Medical Assistance for Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program.

Nakinabang sa mga naturang programa ang mga pasyente sa 84 na hospitals na pinatatakbo ng Department of Health at 44 na local government unit hospitals. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here