Home NATIONWIDE Pagpapatalsik ng Chinese diplomats na sangkot sa ‘wiretapping’ suportado ng PCG

Pagpapatalsik ng Chinese diplomats na sangkot sa ‘wiretapping’ suportado ng PCG

MANILA, Philippines- Sang-ayon ang Philippine Coast Guard (PCG) sa panawagan na paalisin ang Chinese diplomats na umano’y sangkot sa pag-record ng umano’y pag-uusap sa isang “new model” deal sa Ayungin Shoal.

“I stand by the recommendation and the call of [Secretary Gilberto Teodoro Jr.] and [National Security Adviser Secretary Eduardo Año],” sabi ni PCG spokesperson for West Philippine Sea (WPS) Commodore Jay Tarriela.

Giit ni Tarriela, dapat paalisin kung mapatutunyang merong isang miyembro na diplomat sa Chinese embassy na lumabag ng anti-wiretapping law at hindi rumespeto ng batas ng Republika ng Pilipinas.

Nauna nang iginiit nina Teodoro at Año ang pagpapatalsik sa mga Chinese diplomat na umano’y nasa likod ng iniulat na pag-uusap ng isang Filipino commander at isang Chinese diplomat tungkol sa umano’y kasunduan.

Sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na iimbestigahan nito ang pagkakasangkot ng mga dayuhang diplomat sa mga ilegal na aktibidad at nangakong gagawin ang “kinakailangang aksyon.”

Ayon sa Chinese Embassy, ginawa umano ng Armed Forces of the Philippines (AFP) -Western Command (WESCOM) ang bagong modelong kasunduan sa China.

“To follow up on the important consensus between the two heads-of-state to deescalate tension in the South China Sea, the Chinese side and the Philippine side through AFP WESCOM agreed on a ‘new model’ for the management of the situation at Ren’ai Jiao early this year after multiple rounds of discussions.”

Itinanggi ng mga opisyal ng Pilipinas na mayroong ganoong uri ng kasunduan.

Naghain ng personal leave si WESCOM commander Vice Admiral Alberto Carlos ngunit sinabi ng AFP na wala itong kinalaman sa isyu ng “new model” deal sa China.

Inaangkin ng China ang halos buong South China Sea, isang conduit para sa higit sa $3 trilyon sa taunang ship commerce. Nasasagasaan ng pag-angkin nito ang claims ng Pilipinas, Vietnam, Malaysia, at Brunei. Ang mga bahagi ng tubig sa loob ng exclusive economic zone ng Pilipinas ay pinalitan ng tawag na West Philippine Sea.

Noong 2016, sinabi ng international arbitration tribunal sa Hague na walang legal na batayan ang mga claim ng China, isang desisyon na tinanggihan ng Beijing. Jocelyn Tabangcura-Domenden